KASAMA SA primetime serye ng Kapatid Network na Third Eye, sa kabila ng edad ni Eddie Garcia ay punung-puno pa rin ito ng energy at hindi napapagod kahit inaabot ng madaling-araw ang taping. Ikinuwento sa amin ng beteranong aktor na siya pa nga ang humihiling na kung may mga eksena pang dapat tapusin ay gawin na kahit inaabot na sila ng madaling-araw sa set. Kilala bilang propesyonal bukod sa talagang isa sa pinakamahusay nating aktor, isang malaking tulong sa Third Eye ang presensiya niya sa nasabing serye na magsisimula sa July 28 sa primetime ng TV5.
Tanggap din na tulad ni Dolphy, lahat tayo ay mawawala rin sa mundo. Pero para kay Eddie, ayaw niyang magkaroon ng public viewing at gusto niyang sunugin na lang ang kanyang katawan at isaboy ang kanyang abo sa Manila Bay.
Sa tanong naming kung nandu’n ba ang hiling na sana ay mapagkalooban siya ng National Artist award bago pa man siya mawala sa mundo, nagbigay pahayag sa amin ang aktor na ipagpapasalamat niya kung bibigyan siya ng ganitong karangalan, pero hindi para ipakiusap niya.
SA PRESSCON ng Angelito, Ang Ikalawang Yugto, naging mahirap sagutin para sa mga casts ng nasabing serye ang tanong kung naniniwala ba sila sa pre-marital sex. Ang Angelito kasi ay isang advocaserye ng Kapamilya Network, kung saan nilahad dito ang mga konsekwensiya at hirap ng maagang pagpasok sa pag-aasawa at pagkakaroon ng anak na siyang kadalasang dinaraanan ng kabataan natin dahil sa kanilang kapusukan.
Medyo bantulot magbigay ng kanilang mga sagot lalo’t ayon nga sa kanila ay mapupusok talaga ang kabataan, mahirap labanan ang tukso at kailangan talagang gabayan ng kanilang mga magulang, ang kahanga-hanga lang ay nagpakatotoo sila sa kanilang mga sagot at walang nagpakiyeme na kadalasan ay problema sa mga youngstar natin.
Higit na mas maganda ang istorya at dapat abangan ang mga susunod na eksena, kung saan may mga bagong karak-ter na maugnay sa buhay ng mga bida tulad ni John Prats. Mapapanood araw-araw pagkatapos ng Showtime, ang Angelito ay bahagi ng Kapamilya Gold ng ABS-CBN.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA