HINDI UMANO tutol si Oyo Boy Sotto kung sakaling muling bumalik sa pag-aartista ang misis niyang si Kristine Hermosa. Suportado niya umano ang aktres sa anumang gustong gawin o makapagpapasaya rito.
“Ako sa totoo, na I feel for Kristine… alam ko talaga na nami-miss na niyang magtrabaho,” sabi nga ni Oyo Boy. “Kaya lang, ‘yong mga projects na inu-offer sa kanya, hindi suma-swak do’n sa ano, eh… sa schedule.
“Kasi kapag nag-soap ka, i-expect mo nang araw-araw ‘yan, eh. At saka ‘yong uwi mo, laging umaga, ‘di ba? So, ‘yon lang. Sana maayos lang ‘yong schedule. At saka mabigyan siya ng gusto niyang role.”
Sa ngayon, kahit balitang may alok kay Kristine na makipag-tambal ulit sa dati nitong ka-loveteam na si Jericho Rosales para sa isang teleserye, wala pa ring kumpirmasyon tungkol sa posibleng comeback ng aktres. Okey lang kaya kay Oyo Boy na magkaroon ng kissing scene ang dalawa?
“Siguro para wala na lang problema, wala na lang kissing scene!” nangiti ang aktor. “Naku! Mamaya… magalit na naman sa akin ‘yong mga fans nila!” pabirong sabi pa niya.
Masaya at tahimik ang pagsasama nila ni Kristine bilang mag-asawa. Parang kailan lang no’ng ikinasal sila at ngayon nga ay dalawa na ang anak nila.
“Magtu-two years old na ‘yong bunso namin sa December. Sana buntis na!” tawa na naman ng aktor.
Ini-expect nila ‘yong kanilang ikatlong magiging anak soon?
“Actually, no’ng nag-one si Ondrea (pangalan ng kanilang bunso), sinusubukan na naming ulit sundan. Kaya lang hindi pa ibinibigay ni Lord.”
Ilang anak ba ang plano nila?
“Gusto namin sana… anim, eh. Pero siguro… four, okey na. Four ang minimum,” natawa ulit si Oyo Boy.
DATI PA, vocal si Ruru Madrid sa pagsasabing crush niya si Barbie Forteza na nakasama niya before sa Pharoa. At hanggang ngayon, hindi pa rin daw nawawala ang gano’ng pagtingin niya sa young actress.
“Pero friends lang kami. Happy na ako na magkaibigan kaming dalawa. Crush ko rin si Julia Barretto. Kasi, iba ‘yong dating niya, eh. Nagkita nga kami sa isang event. Iba talaga siya.”
He’s only 15. Wala pa raw sa isip niya ang pagkakaroon ng girlfriend. Sa trabaho raw muna niya gustong mag-focus.
Maganda ang takbo ng career ni Ruru ngayon. Bukod sa Dormitoryo at Sunday All Stars, kasama rin siya sa cast ng Akin Pa Rin Ang Bukas kung saan pangunahing tampok sina Lovie Poe, Rocco Nacino, at Cesar Montano. Pagkatapos ng Bamboo Flower, may panibagong indie film daw siyang ginagawa ngayon. Ito ay ang About The Clouds.
“Tatlo lang kaming artista rito. Ako, si Pepe Smith, at si Joyce Ching. Ang story po nito, tungkol sa… ‘yong role ko kasi, teenager na namatay lahat ng mahal ko sa buhay dahil sa baha na idinulot ng typhoon Ondoy. At dahil do’n, parang nagalit ako sa sarili ko. Tapos magpapakilala sa akin si Mr. Pepe Smith na lolo ko raw siya. And then si Joyce Ching naman, magkaibigan kami do’n sa story. Childhood friends kami. Ang sentro ng story po nito, sa mag-lolo talaga.
“Ang director po namin dito, si Pepe Diokno. Siya ‘yong youngest director na nanalo sa Golden Lions Award sa Berlin. And this film din daw, ilalaban din doon. At saka pati rin daw po sa Cannes. And happy ako na pang-international ‘yong movie na ginagawa ko ngayon. Actually magkakaroon nga raw ito ng premiere night sa Berlin. Kasama raw akong pupunta roon. Kaya excited ako sa project na ito. Na first time akong makapupunta sa ibang bansa,” pahayag ni Ruru.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan