Kurot

EWAN KUNG bakit may naramdaman akong kurot sa aking dibdib habang pinanonood sa TV5 ang pagmamamartsa ng 11-man Philippine contingent sa opening ng London Olympics kamakailan. Tila may dumaloy ring luha sa aking pisngi habang pinapalakpakan sila ng 100,000 manonood sa Olympic Arena. Biglang may naramdaman akong pambihirang galak at pagmamalaki sa ating maliit at mahirap na bansa. Talagang ‘di ko ito maipaliwanag.

Tila ganito rin ang naramdaman ko nang ideklara ng International Olympic Committee (IOC) ang katagang “Let the games begin”. Sa gitna ng nakatutulig at nakabibinging fireworks, sumabog ang palakpakan. Yakapan. Awitan. Lundagan ng mahigit 10,000 athletes mula sa 224 bansa.

P’wede palang ang buong mundo ay magkaisa kahit sa loob lang ng 17 araw sa Olympics. P’wede palang ang athletes mula sa Israel at Palestine ay magturingan bilang magkapatid. Nakapipigil na hiningang tanawin. Ang pagkakaisa ng mundo – Kristiano, Muslim, Buddhist at Hindus o kung ano mang kulay o relihiyon. P’wede pala…

Ngunit dagli-dagli, may naramdaman akong kaibang kurot sa ibang alaala. Napabalita kamakailan na ang kauna-unahang Pilipino Olympic medalist sa boxing – Anthony Villanueva – ay naghihirap at may sakit. At napilitang isanla ang kanyang Olympic silver medal para makaraos at gumaling.

Anong klase tayong bansa na nagpapabaya sa isang bayani katulad ni Villanueva? Ito, sa wari ko, ang pinakamahapding kurot.

SAMUT-SAMOT

 

HULI MAN at magaling ay maihahabol din. Ito ang reaksyon natin sa posthumous National Artist Award kay Fernando Poe, Jr. Cheers to P-Noy! Ang award ay pinasukan ng pulitika nu’ng termino ni dating Pangulong GMA. Biro mo sinaksak niya sa mga 2009 awardees sina Carlo Caparas at Cecille Guidote-Alvarez na ‘di naman kuwalipikado. Ilang grupo ang nagsampa ng reklamo sa SC at ngayon nakabinbin pa ang kaso.

NATUNAW SA lungkot ang aking puso sa balitang pagkamatay ng 11 soldiers sa isang engkwentro sa Abu Sayyaf bandits sa Basilan kamakailan. Mga batang-batang kawal, karamihan fresh PMA graduates. Sila’y tunay na bayani, inihandog ang murang buhay sa bayan. ‘Di lamang parangal ang dapat ihandog; habang buhay na tulong sa mga naiwan ay kinakailangan.

‘DI NA ba masusugpo ang pamiminsala ng Abu Sayyaf? Military solution lang ba ang tanging solusyon? ‘Di na nabibilang na buhay ang napaslang. Maaaring dapat hukayin ang malalim na dahilan ng problema at lapatan ng ibang solusyon.

SAMANTALA, NABALITA ang Jordanian journalist, Baker Aytani ay pinakawalan na ng Abu Sayyaf sa Sulu kamakailan. Ito’y matapos magbayad diumano ng malaking ransom money ang Jordanian government. Ang problema, ayaw niyang iwanan ang dalawang Pinoy TV crew na ayaw pakawalan pa. Dapat ang ating pamahalaan ay tutukan ang sitwasyon ng 2 media men. Ituloy ang negotiation ng kanilang release.

MABUTI NA lang ibinasura ni P-Noy ang panukala ni Rep. Rodolfo Biazon na hingin ang tulong ng U.N. sa Spratly issue. Paminsan-minsan, nakatsatsamba ng tamang desisyon ang Pangulo. Lalo lang tataas ang tension. Bukod dito, ang Spratly issue is not an international issue. At least, lumabas sa pahayagan ang pangalan ni Biazon.

PATULOY ANG insidente ng pang-aabuso sa OFWs sa Middle East. At nagbubulag-bulagan ang mga awtoridad. Kamakailan, dalawang domestic helpers sa Jordan – Lorena Saligumba, 27; at Dianne Lalaine Castillo, ang bumalik sa bansa dala ang malungkot na karanasan. Wala na bang magagawa sa sitwasyon? Mga OFW, bale-wala sa Pangulo. ‘Di man lang binanggit sa SONA.

KABI-KABILANG SAMPAL sa buwis. Magandang balita na pinatigil muna ng DOTC ang pagpapatupad ng Helmet Law. Nakaraang linggo, nagreklamo maraming motorcycle owners sa haba ng pila sa pag-apruba ng helmet. Inaangal din nila ang P300 bayad. Malaking halaga ito sa kanila. Good decision from DOTC Sec. Mar Roxas.

‘DI MASYADONG napag-uusapan ang isyu ng pagpapatayo ng isang 40-floor condominium sa likod ng Rizal Monument sa Luneta. Maraming sektor ang kumokontra rito. Kasama na ako. Mabababoy ang aesthetic beauty ng monumento. Dapat i-paabot kay Mayor Lim ang bagay na ito. Ito’y maituturing ding paglapastangan sa gunita ng ating bayani. Wala na ba tayong maisip na mabuti?

POPULAR TV host Boy Abunda ay napakabuting anak. Kamakailan, sinamahan niya ang kanyang ina sa Germany para magpa-treat ng stem cell therapy. Itong therapy ngayon ang “in” treatment sa degenerative diseases dala ng pagtanda. Kahit controversial pa rin sa medical community ang procedure, sa ‘Pinas marami ang sumusu-bok nito. Ilan sa kilalang personalidad ay dating Pangulong Erap, SP Juan Ponce Enrile, Danding Cojuangco, Dra. Vicki Belo at dating Sen. Manong Ernie Maceda.

TILA NAPAAGA ‘ata ang bulusok ng kandidatura ni Bam Aquino, pinsang-buo ni P-Noy, bilang senador. Pinag-uusapan ng isang linggo, nagkaroon ng media hype, tapos parang bulalakaw na naglaho. Ganyan din si Cebu Gov. Gwen Garcia. Siste nito, nasampahan pa siya ng plunder na sa aming pananaw ay political harassment. Kailangang perfect timing. Siyam na buwan pa bago ang eleksyon. Calibrate.

DELIVERY NG basic services sa Pasig City ay worth emulation. Koleksyon ng basura, peace and order, kabuhayan, care for senior citizens are all in order. Ito ang dahilan kaya ‘di matalu-talo ang mga Eusebio. Dapat lang. Mababaw ang kaligayahan ng mamamayan. Mga ‘yon lang ang gawin, kahit isang libong taon ka pa sa puwesto.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleWalang Job Order, Walang Singilan
Next articlePananagutan ng Boss ng Empleyadong Nakaaksidente

No posts to display