Kutob

MALIMIT, PAG-RING ng aking cellphone, alam ko na kung sino ang tumatawag. Wika ng isang manghuhula, may sixth sense o third eye raw ako. Maaari nga. Marami akong karanasan na magpa-patibay nito.

Minsan kumaway ako ng isang taxi patungong Cubao. Malakas ang ulan. Mag-dadapit-hapon na. Pagbukas ko ng pinto ng taxi, may naramdaman akong kakaiba. Sumakay rin ako subalit para akong sinisilihan sa loob. ‘Di ko natiis, kaya dali-dali kong inabutan ng nadukot kong pera at sa kabiglaanan ng matandang tsuper ay bumaba ako. ‘Di pa ako nakakalingat, nahintakutan ako nang ang taxi ay bumangga sa isang Meralco post bago lumiko. ‘Di ko alam kung ano’ng nangyari sa tsuper.

Sa paglalaro ng pusoy, napakalakas din ng kutob ko. Nahuhulaan ko ang pares na darating na baraha. Ganyan din sa larong black jack at poker. Kaya kalimitan, suwerte ako.

Anong uri ng kapangyarihan ito?

Nasasaad sa internet, ang kutob ay isang uri ng paranormal gift. Katulad ito ng katangian ng mga visionaries. Maraming deskripsyon sa bagay na ito.

May isang bagay pa akong ibubunyag. Simula sa aking pagkabata – hanggang ngayon – may nakikita akong isang payat na babae na nakasuot ng puting damit ‘pag ako’y may malubhang suliranin o desisyong dapat isagawa. Ang misteryosang babae ay malalim ang mata at mahaba ang buhok. Isang kisap-mata lang ang pakita, pagkatapos, mawawala. ‘Di ko alam kung bakit ‘di ako natatakot.

Maraming kababalaghan ang ‘di maipaliwanag sa mundo. Sa Banal na Aklat, maraming bahagi ang nagsasaad ng mga pagkakataong nagpapalayas sa katawan ng tao ng demonyo at masamang espiritu ang Mahal na Panginoon. Ang exorcism ay isang ritwal sa pagpapalayas ng demonyo na ginagawa ng simbahan.

Subalit may mga sablay rin akong kutob. Kagaya ng kutob na tatama ako sa lotto, o sweepstakes.

 

SAMUT-SAMOT

 

40 PINOY billionaires, nalista kamakailan sa Forbes Magazine. Nangunguna ang Shoemart magnate, Henry Sy. Kasama rin si Ricky Razon, John Gokongwei, Jaime Zobel de Ayala, David Consunji, Lucio Tan, Lucion Co at Manny Villar. ‘Di pa ba kaliga nila si Ramon Ang at Manny Pangilinan? Ganyan ka-concentrated ang nation’s wealth sa iilang mga nilalang. Mahigit 90 milyon na ang ating populasyon. 90% ng mga ito ay pinakamahirap, mahirap, middle class at upper middle class.

NAGING KAKATWA na ang paghirang ng JBC sa susunod na SC Chief Justice. Kung sinu-sino na lang Pontio Pilato ang na-nominate. Pati si Oliver Lozano ay kasama na ‘ata sa listahan. Kung ako ang tatanungin, si acting CJ Carpio na lang ang hirangin. Qualified, most senior at insider. Diniin niyang ‘di siya patututa sa Pangulo.

NAGKA-EMERGENCY CASE ako nu’ng nakaraang Linggo. Habang ako’y nakikinig ng misa sa Christ the King Church, Green Meadows, bigla akong naliyo at nanghina ang tuhod. Umupo muna ako. Pagkaraan ng ilang minuto, mabuti na ang pakiramdam ko. Bago ako umuwi sa bahay, naisipan kong dumaan sa isang clinic para magpa-check-up ng blood pressure. 80/60! 265 sugar level! Nag-panic ako. Biglang may sumakit sa aking dibdib. Nag-panic ang doktor at binigkas na ako’y nagdaranas ng heart attack. Sugod sa Medical City emergency room. Diagnosis, heart attack. Kaya na-confine ako for 1 ½ days. Nang lumabas ang final results na kumpirmado ng aking cardiologist, Dr. Eugene Ramos, false alarm. Muscular spasm lang at dahil sa labis na diet. Nakahinga ako nang maluwag at nagpasalamat sa langit.

HOMILY SA misa noong isang Linggo ay babala sa pagtatago ng labis na kayamanan. ‘Di masama ang maging mayaman. Ang masama ay kung gagawin mong Diyos ang iyong kayamanan. Hubad tayong ipinanganak, hubad tayong lilisan sa mundo. Ni isang kusing wala kang madadala pagyao. ‘Di nakakainggit ang mga bilyonaryo. Death is the great equalizer. Bilyonaryo o mahirap, pantay-pantay ang magiging paglilitis ng Diyos. ‘Di naging kayamanan sa mundo ang magiging batayan kundi kung anong naging uri ng buhay mo.

NAKAPAGTATAKA KUNG bakit ang isang minority sect ay panay ang batikos sa Simbahang Katoliko. Idolatry raw ang pagsamba ng mga Katoliko sa santong bato at kahoy. Sila raw ang tunay na simbahan. Mga kasapi lang nila ang maliligtas sa araw ng paghuhukom. Maraming naloloko at nililigaw ng sektang ito. Ang founder ay dating Katolikong pari. Malakas ang impluwensya nito sa gobyerno at mga pulitiko. Sana’y makithi nila ang tunay na liwanag.

HEART DISEASE ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa bansa. Sinundan ito ng pneumonia, kidney at liver disease, diabetes at lung problems. Dahilan ito ng cholesterol-rich foods na nagkalat sa mga kainan sa malls at tabi-tabi. Makabubuting mag-stick ang diet sa vegetable, fish at iba pang protein-rich foods. ‘Di ito makababara ng valves ng puso. Pinakamahirap ang ma-bypass. Bukod sa magastos, risky. Pag-inom ng maraming basong tubig araw-araw ay makatutulong din sa kalusugan. Buko juice ay magaling panlinis sa kidney. Umiwas sa mga laman-loob kagaya ng isaw at chicharong bulaklak. Health is wealth, ayon sa matandang kasabihan.

NALUGI NANG mahigit na P4.5-B ang Channel 5 nu’ng nakaraang taon. Dahilan ito sa stiff competition sa industry na pinangungunahan ng Channels 2 at 7. Subalit mukhang ‘di kumukurap si Manny V. Pangilinan, may-ari ng TV network. Magdadagdag pa raw ng P4.5-B capital sa susunod na taon. Ang bagong studio ng network sa Mandaluyong, malapit nang matapos. Walang pagod na pirata rin ng stars sa dalawang station. Ano kaya ang malalim na agenda ni MVP?

NAGPADALA TAYO ng token contingent sa darating na London Olympics. Dapat lang. Balita’y kakaunti ring opisyales na kasama. Buti na lang. Mga nakaraang Olympics at international games, mas marami pa ang opisyales kaysa athletes. Kalimitan, mga pulitiko out for junkets. Medalya? Suntok sa ipu-ipo. Sports development is hardly the concern of this administration. Nu’ng huling SEA games, kulelat tayo. Wala na yata tayong maaaring ipagmalaki.

BAKIT PAGGISING ko sa umaga ako’y tila pagod na pagod. Parang galing sa isang mahabang paglalakbay. Kung anu-anong panaginip. Mga ‘di na nakikitang kaibigan, kamag-anak na namatay at iba pang ‘di magandang karanasan. Ano ang kahulugan ng mga ito? Paggising din, nakararanas ako ng matinding depression. Maraming takot at pangamba.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleSec. Paje Isinusuka Na, Kapit-Tuko Pa Rin
Next article16-Anyos, Inalok ng Pagmo-modelo

No posts to display