SA INGLES, walang katumbas ang salitang kutos. Sa isang paglilitis, tinanong ng babaeng hukom sa nagsasakdal kung ano ang ginawa sa kanya. “He kicked me. He slapped me. At saka… eh, kinutusan niya ako.” Sabi ng hukom: ‘yong dalawang ginawa, naintindihan ko. Subalit ang kutos, ano ‘yon? Ano sa Ingles yon? Nagtawanan sa sala ng hukom.
Nu’ng 2nd year ako sa Ateneo de San Pablo High School, lagi akong napag-iinitan ng isang matabang high school bully. Umaga-hapon wala nang ginawa kundi ako paiyakin at kutusan. Ayaw ko namang magsumbong sa teacher kasi baka tawagin akong bakla. Ayaw ko na ring bigyan ng problema ang inay at tatay. Ginawa ko isang umaga, binusan ko ng mainit na tubig ang mukha ng bully habang ito’y naiidlip sa siesta sa canteen. Pumalahaw ng malakas. Sinabayan ko ng palo ng bakal sa tuhod. Natapos ang aking problema.
Buti nang suntukin ka o hampasin ka ng kung ano mang bagay. Subalit ang kutos ay isang pananakit na nakaiinsulto. Para bang masyado ka namang minamaliit. Ang kutos ay sa ulo ginagawa ng kamay. ‘Di naman masyadong masakit, subalit –gaya ng nasabi ko – nakaiinsulto o nakalalalaki.
Kung sino ang nag-imbento ng kutos ay dapat papurihan. Kahit ang sumulat ng Webster Dictionary walang maiparis sa Ingles sa salita.
Sa mga pulitiko, may mga gusto akong kutusan araw-araw. Isa ay ang isang senador na nagdudunung-dunungan sa foreign affairs; pangalawa ay isang mambabatas na imburnal ng pagmumura ang bunganga; pangatlo ay isang senador na 365 days na napapanis ang laway sa sessions at ang pang-apat ay isang senador at artista, walang binatbat, laging nagbibilang ng butike sa kisame ‘pag session.
‘Di dapat lang silang kutusan. Dapat ding maya’t maya’y batukan. At bayad na sila. Hehehe.
SAMUT-SAMOT
SI JUN Magsaysay ay isang senador na dapat ibalik sa Senado. Dramatic legislative work ang kanyang ginawa sa nakaraang termino niya. As chair ng Committee on Agriculture, siya ang nagpaimbestiga ng Fertilizer Scam na kinsangkutan ni Joc Joc Bolante. ‘Di niya binitiwan ang imbestigasyon hanggang ang resulta ay naidulog sa Ombudsman at Sandiganbayan. May ‘sang taon nang nakabinbin ang kaso sa Sandiganbayan. Pinag-aaralan diumano nang mabuti kasi napakasalimuot ang kaso. Inaasahan na sasabit muli sa plunder case ang dating Panguong GMA. Ayon sa balita, P367-M pondo ang ginamit nu’ng 2007 local eleksyon. Panibagong sakit sa ulo ni GMA.
DAPAT SUPORTAHAN ng Lower House ang Kasambahay Bill ni Sen. Jinggoy Estrada. Balitang may ilang congressmen sa Bicam na tumututol o may nais baguhin. Sana’y minor changes lang. Kailangang-kailangan ang batas ng ating local OFWs. Marami sa kanila ang sumasahod pa ng kasing baba ng P1,000 ‘sang buwan. Wala rin silang PhilHealth at SSS benefits. Sensitibo ang mga Estrada sa kapakanan ng maliliit. At bilang chair ng Senate Labor Committee, Jinggoy is doing well for the welfare of our OFWs. May his tribe increase.
ANG KABALIGTARAN ay si Sen. Bong Revilla. Ano bang mga batas ang naipasa na niya. Ni sa floor debate, ‘di siya naririnig. Sa committee hearings, malimit ay absent. Mga ganitong so-called public servants ang dapat itakwil ng manghahalal. Sayang ang taxpayers’ money. Magkasama sila ni Sen. Lito Lapid na tinaguriang Committee on Silence.
PINAKAHARANG DIUMANO na five-star hospital ay ang Medical City. Isang confinement mo ay mamumulubi ka na. Lahat binabayaran – magmula unan at alcohol sa kuwarto mo. Naranasan ko ito nu’ng 2010. Na-confine at naopera ako ng simpleng gall bladder. Dahil sa kapabayaan ng anesthesiologist, nagka-allergy ako sa isang antibiotic. Muntik na ako at nadala sa ICU. Aabot P1 milyon ang ginastos ko lahat-lahat sa 7-day confinement. Buti na lang may magandang pusong tumulong at may kaunting naipon ako. Dapat tingnan ng BIR ang hospital. Sobrang managa. Nagbabayad ba sila ng angkop na buwis?
IBA ANG Amerika. ‘Pag may pambansang krisis, isinasantabi ang pulitika para magkapit-bisig sa kapakanan ng bayan. Ganito ang ginawa ni Obama at Romney. Ang bilis at efficient ang rehabilitation work. Mga mamamayan, very coopertive. Walang pasaway. Kung sa atin ito nangyari, ‘di ko alam kung saan tayo pupulutin. Nag-abuloy ang bansa ng $250,000 sa disaster victims. Maliit na halaga para sa isang super power. Subalit ang gesture ang mahalaga.
TINANONG AKO ng aking apong si Daniela kung bakit kabaligtaran ang itinuturo sa kanila tungkol sa mga Hapon sa eskuwela. Siya ay grade 6 pupil sa Poveda. Sabi raw ng teacher, mga Hapon daw ay malulupit at masasama sa World War II. Samantala, sabi ni Daniela, nu’ng kami’y nagtungo sa Japan kamakailan, ang babait at very tourist-friendly sila. Sabi ko, nu’ng may giyera ‘yon. Mga Hapon ay mababait at ating kaibigan. Humanga ako sa tanong. Malalim ang pag-iisip ng aking apo. Very curious at inquisitive siya sa maraming bagay. Napakagaling din na eskuwela ang Poveda.
ANG ISA ko pang apo, Anton, 17, ay wala nang ginawa kundi tumutok sa computer. Di nalabas ng bahay at ayaw maki-barkada. Ayaw na rin matagal makipag-usap sa akin. Abala lagi siya sa computer. Ganyan yata ang heneras-yon ng mga kabataan ngayon. Ang gagaling nila sa computer kahit walang formal education. Si Anton ang taga-text ko. Super bilis. ‘Yon lang, ‘pag may baltik nagdadabog. Mamaya babalik sa akin at gagawin din. Sabay halik at yakap sa akin. Mga apo ay parang coke: Happiness.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez