NAAALALA KO pa na noong lusubin ni Saddam Hussein ang bansang Kuwait, nagtakbuhan lahat ang mga Kuwaiti sa mga kalapit na bansa at ang tanging naiwan ay ang mga trabahador at DH na mga Pinoy sa mga tahanan at pabrika. Sa katunayan, ang mga Pinay ang nakatikim ng panggagahasa na isinagawa ng mga nanalakay na tropa ni Saddam. Kaya malaki ang pasasalamat ng mga Kuwaiti sa mga Pinoy. Noon ‘yun. Ngayo’y nakalimutan na nila ang mahalagang papel na ginampanan ng mga kababayan natin sa bansang ito.
Sa sobrang yaman ng bansang ito, ang mga citizen n’ya ay hindi na nagtatrabaho dahil tumatanggap ng pensyong $3,500.00 ang bawat isang mamamayang Kuwaiti. Dahil dito, ang mga Pinoy OFW at iba pang migrante ang nagtatrabaho para umangat ang ekonomiya. Kahit pa nga wala nang gawin ang mga Kuwaiti kundi mag-abang ng kita mula sa mga balon nila ng langis, patuloy pa ring aangat ang kanilang ekonomiya.
Dahil dito, sunud-sunod ang mga pang-aabusong nararanasan ng mga kababayan nating OFW, lalo na ang mga DH, sa bansang ito. Patuloy silang pinagkakaitan ng makataong sahod, nakakatikim ng pananakit at pang-aabusong sekswal. Kamakailan lamang ay isang 25-anyos na DH sa Kuwait, na dating guro rito sa Pilipinas at single mom, ang napaulat na nag-suicide. Nang matapos ang imbestigasyon, lumabas na siya ay namatay dahil sa pambubugbog ng kanyang employer! Ang kasong ito ay halos kasunod lang ng isa pang Pinoy na halos nabulag dahil sa ginawang pagpapahirap ng mga employer na Kuwaiti.
Hindi matapus-tapos ang kuwento tungkol sa mga kababayan nating dumaranas ng iba’t ibang anyo ng pang-aabuso dahil lamang sa kagustuhang magkaroon ng pagkakakitaan. At nagaganap lahat ito dahil sa sponsorship system na ipina-patupad sa Kuwait. Sa ilalim ng sistemang ito, itinatali sa employer ang sinumang employee. Ano naman ang ginagawa ng ating pamahalaan?
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo