Dear Atty. Acosta,
ANG AKING mga magulang ay senior citizens na rin. Alam naman natin na kapag umabot na ang tao sa ganyang estado, marami na ang nararamdaman sa kanyang kalusugan at nanga-ngailangan na ng pang-maintenance na gamot. Malaking bagay po sa aking mga magulang ang 20% diskuwento kapag bumibili sila ng gamot. Ngunit napapansin po namin sa resibo na 8% lang ang kabuuang diskuwentong ibinibigay ng mga botika sa aking mga magulang. Napansin namin na nababawasan ang diskuwento dahil may ipinapataw pa na 12% VAT ang mga botika. Samakatuwid, ang lumalabas na diskuwento ay 8% lang sa halip na 20%. Tama po ba ito?
Mr. Cruz
Dear Mr. Cruz,
AYON SA Section 4 ng R.A. 9257 na pinamagatang “An Act Granting Additional Benefits and Privileges to Senior Citizens Amending for the Purpose Republic Act No. 7432, Otherwise Known as an Act to Maximize the Contribution of Senior Citizens to Nation Building, Grant Benefits and Special Privileges and for other purposes”, ang isang senior citizen ay may karapatan sa 20% diskuwento sa lahat ng establisimyento kabilang na rito ang hotel, restaurant, recreational center, at botika.
Sa kabilang dako, ang Value Added Tax (VAT) naman ay isang klase ng sales tax na binabayaran ng mga establisimyento kaugnay ng kanilang pagbebenta o serbisyong ginagawa. Ito ay sinasabing indirect tax kung saan ay maaaring ipasa ng establisimyento ang pagbayad ng VAT sa kanilang mga mamimili o kliyente. (Commissioner of Internal Revenue v. CA and Commonwealth Management and Services Corp, G.R. No. 125355, 30 March 2000). Ayon sa Section 106 ng National Internal Revenue Code (NIRC), ang VAT ay may katumbas na 12% na ipinapataw sa gross sales o kabuuang bayad.
Ang mga magulang mo bilang senior citizens ay may pribilehiyo na magkaroon ng 20% diskuwento sa lahat ng establisimyento kabilang ang hotel, restaurant, recreational center, at botika. Kaya nga kapag bumibili sila ng gamot ay nagbabawas ang botika ng 20% sa kabuuang bayad bilang diskuwento. Ngunit sa pagbili ng mga magulang mo ng gamot sa botika ay kinakailangan nila na magbayad ng kaukulang VAT. Hindi kasi dahilan ang kanilang pagiging senior citizens para hindi magbayad ng VAT. Malinaw na nakasaad sa NIRC na hindi exempted ang mga senior citizens sa VAT. Kaya nga nagdadag-dag ng kaukulang 12% ang mga botika bilang VAT.
Hindi tamang sabihin na nagiging 8% na lang ang diskuwento ng iyong mga magulang bilang senior citizens dahil ang diskuwentong ito ay hindi maaaring bawasan. Nananatiling 20% pa rin ang kanilang diskuwento, iyon nga lang kailangan nilang magbayad ng kaukulang 12% VAT. Hangga’t hindi pa nagbabago ang batas at hindi pa exempted ang mga senior citizens sa VAT ay mananatiling may dagdag na 12% ang lahat ng binibili nilang gamot.
Malugod po namin kayong inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 4:30 ng hapon.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta