Kuwentong Ibon

EWAN KUNG BAKIT isang hapon, naisipan kong magsabog ng butil ng bigas sa veranda ng aking silid.  Kinabukasan ng umaga, ginising ako ng kakaibang kaluskos, tila may nagkakahig at may sumisipol na maliit na boses.

Nang silipin ko, dalawang ibong maya na nagpapakabusog sa butil ng bigas. Ang sasaya. Pumapadyak.  Humahalakhak ng kanilang munting halakhak. Kaaya-ayang pagmasdan. May kakaibang pintig akong naramdaman sa puso. Isang mahiwagang kaligayahan ang bumalot sa akin.

Simula noon, kinaugalian ko nang magsabog sa veranda ng butil ng bigas gabi-gabi. At tuwing umaga, naging pulutong na ng ibong maya ang aking nakatatabang-pusong mga bisita.

Isang mainit na tanghali sa kalagitnaan ng aking siesta, nagulantang ako sa pagdating at lubhang pag-iingay ng mga kaibigan kong ibong maya. Parang may hinahabol. Ligalig. At tinutuka nang tinutuka ang bintana ng veranda.

‘Di ko muna pinansin. Naisip kong kakakain-kain lang nila nu’ng umaga. Subalit lalong lumakas ang kanilang pag-iingay. Parang may gustong mahalagang sabihin. May gustong agad-agad ipaabot sa akin.

Nang buksan ko ang bintana, nagulantang ako at ninerbyos sa malaking usok ‘di kalayuan sa aking bahay. Narinig ko ang yabag ng mga kapitbahay na nagtatakbuhan. Sunog, sunog! Sigaw nila.

Awa ng Diyos, napatay kaagad ang sunog. At paglabas ko ng veranda, naroon pa ang mga kaibigan kong ibong maya. ‘Di na maingay. Humuhuni na lang ng huni ng kaligayahan. At wari’y naghihintay na magsabog pa ako ng butil ng bigas bilang aking pasasalamat.

Buti pa ang mga ibon, marunong tumanaw ng utang na loob sa kabaitan. ‘Di ko masasabi ito sa maraming tao sa mundo.

Quip of the Week

Tanong: “Ano ang consistent credentials ni Erap?”

Sagot: “Drop out sa maraming bagay. Drop out sa high school. Drop out sa college. At drop out sa pagka-Pangulo.”

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleWonder Gays, minaliit lang ni Vice Ganda?!
Next articleAnne Curtis, bakasyon sa Europe kasama ang BF na si Erwann Heussaff

No posts to display