SA DAMI ng mga isyung pinag-uusapan sa Pilipinas, tila ang pinakamahalaga ay iyong nakakaapekto sa lahat: ang mga usapin tungkol sa kalusugan ng mga Pilipino.
Mainit na mainit ngayon ang usapan tungkol sa MERS-CoV dahil sa pagpasok sa bansa ng isang Pinay nurse na nagdadala raw nito. Matatandaang kinailangang hanapin ang lahat ng pasahero ng Etihad Airways flight 0424 upang masiguro na wala sa kanilang nahawa ng nakamamatay na sakit na ito.
Ngunit ano nga ba ang MERS-CoV at dapat bang mag-alala ang mga Pilipino sa sakit na ito?
Ang MERS-CoV ay acronym para sa Middle Eastern Respiratory Syndrome-Corona Virus. Isa itong uri ng respiratory disease na nag-umpisa mula sa mga bansang nasa Middle East gaya ng Saudi Arabia. Sinasabing kahalintulad ng SARS ang sakit na ito. Ang mga sintomas ng MERS-CoV ay ang mga sumusunod: lagnat, pagkahapo, hirap sa paghinga, ubo, pagtatae at kidney failure. 40% ang mortality rate ng sakit na ito kung kaya’t pinag-iingat nang husto ang publiko. Madali rin ang pagkalat ng MERS-CoV dahil sa nata-transmit ang virus sa pamamagitan ng hangin. Dahil dito, mahalagang sanayin ang sarili sa mga sumusunod na gawi upang maiwasang mahawa, ‘di lang ng MERS-CoV, kundi maging ng ibang mga sakit:
1. Madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang tubig at sabon
2. Paggamit ng tissue paper sa tuwing uubo o bumabahin at itapon nang maayos sa basurahan
3. Iwasan ang paghawak sa mukha lalo na sa mata, ilong at bibig
4. Iwasan ang lumapit sa mga taong may sakit
5. Palaging linisin at i-disinfect ang mga bagay na madalas hawakan (door knobs, lamesa, etc.)
6. Siguraduhing alam ng mga bata ang mga guidelines na ito.
Kung sakaling ikaw ay nakaramdam ng mga sintomas ng MERS-CoV, agad na maghugas ng mga kamay, takpan ang bibig gamit ang face mask o panyo at ipagbigay-alam agad ito sa Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang 24-Hour Hotlines 711-1001; 711-1002; 0922-884-1564; 0920-949-8419; 0915-772-5621.
ANG MGA numerong ibinigay sa taas ay maaari ring tawagan kung sa tingin mo ay mayroon kang sintomas ng HIV o AIDS.
Nakaaalarma ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong may HIV at AIDS. Ayon sa Philippine Registry of AIDS and HIV, mula Pebrero ng nakaraang taon ay may 486 na bagong kaso ng HIV at 36 dito ay full blown AIDS na. 43% ang itinaas! Karamihan sa mga kaso ay nagmula sa NCR, CALABARZON, Gitnang Luzon, Gitnang Visayas at Davao. 92% ng mga biktima ay mga kalalakihang may edad 20-29 taong gulang. Ang nangungunang dahilan ng pagkakahawa ng HIV at AIDS ayon sa pag-aaral na ito ay ang pakikipagtalik sa kapwa lalaki na walang anumang proteksyon.
Bilang tugon sa suliraning ito ay nagpapamigay ng mga information flyer at mga libreng condom ang DOH sa mga massage parlor, KTV at iba pang lugar kung saan laganap ang mga ganitong aktibidad. Subalit ang aksyong ito ng pamahalaan ay kinontra ng ilang miyembro ng simbahan na nagsasabing ang pamimigay ng condom ay hindi ang solusyon upang mapigilan ang pagkalat ng HIV at AIDS kundi ang abstinence o tuluyang pag-iwas sa pakikipagtalik lalo na sa labas ng sakramento ng kasal. Ngunit sa isang pahayag ni DOH Undersecretary Eric Tayag, ang kawalan ng condom ang pangunahing dahilan kung bakit nag-unprotected sex ang mga taong ito. 45% sa 180 na sumagot ang nagsabi nito.
Higit ngayon kailanman, nangangailangan ang Pilipinas ng isang solidong Reproductive Health Care System. Ang sakit na HIV at AIDS, bagama’t walang kaugnayan sa panganganak, ay isyu na naaapektuhan ng mga probisyon ng Reproductive Health Law. Ito ay ang probisyon tungkol sa sex education. Malaki ang maitutulong ng pagtuturo ng mga modes of transmission o kung paano nakahahawa ang mga sexually transmitted disease, kasama na ang AIDS at HIV. Gayundin ay mahalagang matutunan ng mga tao kung paano maiiwasan ito, at iyon ay sa pamamagitan ng paggamit ng condom.
Hindi isang biro ang pakakaroon ng sakit na AIDS at HIV. Magastos ang pagpapagamot dito at marami sa mga kaso ay natatapos sa pagkamatay ng pasyente. Sana ay maunawaan ng simbahan na ang mga tao ay may karapatang pumili ng kanilang sekswalidad at ang maitutulong sa kanila ay bigyan sila ng kagamitan upang maiwasan ang pagkakaroon nila ng mga ganitong impeksyon. Ang RH law ay makatutulong sa layon ng DOH na “prevention and control” ng HIV at AIDS dahil ang batas na ito ay ang magbibigay ng mandato sa mga ahensyang may kaugnayan sa isyu na ito. Malaki ang maitutulong nito upang makamit ang isa sa mga Millenium Development Goals ng Pilipinas na magapi ang HIV at AIDS pagdating ng taong 2015.
Mayroon na lamang humigit-kumulang isang taon bago ang taong 2015 kung saan titingnan kung nakamit ba ng Pilipinas ang mga Millenium Development Goals. Mukhang imposible man ang “zero aids by 2015” ay nawa bumaba ang bilang ng mga nagkakasakit nito sa halip na patuloy na pagtaas.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo