KUMAKALAT NGAYON sa internet ang mga litrato nina Claudine Barretto at Raymart Santiago na nag-pose for a picture, kung saan nasa gitna ang kanilang lawyer at ito raw mismong abogado ang nag-post pa sa facebook account na all smiles at naka-peace sign habang tatlo silang nakangiti.
Kuha ito after the presscon na ipinatawag ng mag-asawa para ilahad ang kanilang kuwento ng mga pangyayari sa tinaguriang Thrilla in NAIA.
Ang ipinagtataka ng ilan ay kumbakit nakuha pang magpa-picture at ipinost pa sa fb. Paano raw maniniwala ang publiko sa kanilang ipinaglalaban kung all-out smiles pa mandin ang mag-asawa kasama ang lawyer daw nilang showbiz na showbiz na rin.
Honestly, para sa amin ay balewala ‘yon. Automatic sa mga artista ‘yon na kapag merong gustong magpa-picture, kung anuman ang mood mo whether galit ka o irita ka ay otomatik nang ngingiti ka ‘pag po-pose ka.
Hindi puwedeng sabihin ni Raymart o ni Claudine na, “Puwede ba, Attorney? Kita nang natetensiyon na kami rito, papapiktyur ka pa! Gawin mo muna ‘yang trabaho mo sa amin, ‘no! Hindi ka namin hinayr para magpakyut sa picture, okay?”
Eh, gano’n ka-accommodating sina Claudine at Raymart, eh. Ano’ng magagawa natin?
Kaso nga lang, kumalat. So, sari-sari tuloy na nega comment ang pumailanlang sa mga networking sites. Na-nega tuloy ang mag-asawa.
ILAN NAMAN ang nag-tweet sa amin at kung anu-ano ang sinasabi against Claudine. Sobrang OA raw si Claudine, dahil kinabukasan daw, iika-ika nang lumakad. Ano raw ba ‘yon? Akting?
Nagdududa tuloy ang marami kung totoong pilay ba siya o echoserang frog lang siya?
‘Yan ‘yung sinasabi namin noon pa sa mga artista. ‘Pag lagi kang nadadawit sa isyu o lagi kang napapaaway, people might think something is wrong with you. Eh, ang dalas mapaaway at maisyuhan noon ni Claudine.
So ang mga tao tuloy, nag-iisip kung umaakting lang na pilay talaga si Claudine.
‘Yung iba nga, nagsasabi pang pati raw si Raymart ay nahawa na sa kaplastikan at kasinungalingan ni Claudine, dahil umaalalay pa ito sa paika-ikang asawa.
Si Claudine daw ang best example ng, “the boy who cried wolf.”
Pero in fairness to the couple, malay naman natin talaga kung namaga talaga ang paa ni Claudine kinabukasan? ‘Di ba, gano’n naman talaga ‘pag nasasaktan ka physically? Ngayon, hindi mo pa mararamdaman, pero later on or kinabukasan, du’n na namamaga o kumikirot ang tinamaan?
Eh, baka naman nagsasabi ng totoo si Claudine, kaso, ang nakakalungkot lang na katotohanan, kuwestyonable na ang kanyang kredibilidad. ‘Yun ang problema.
HINDI NA kami si Ogie Diaz. Ang tawag na sa amin ng mga tao ngayon ‘pag nasasalubong kami ay “Kenneth”. Isa lang ang ibig sabihin no’n, mas sikat si “Kenneth” kesa kay Ogie. Hahaha!
Juice ko, grabe naman kasi ang nagagawa sa buhay ng bawat Pinoy ang nakakaadik na Walang Hanggan, eh. ‘Yung isa ngang friend namin, “Alam mo, noon pa, ayoko nang sinusubaybayan ang mga teleserye, dahil ang tendency, masisira ang lakad mo kahahabol na makauwi ng bahay para maabutan mo.
“Eh, ‘eto na naman ako, ‘Day. Nalolokah na naman ang mister ko, dahil hindi ako puwedeng kausapin ‘pag oras na ng ‘Walang Hanggan’. Hahaha! Sabi ko nga sa kanya, ‘Wag ka nang mainis, Hon. 45 minutes lang naman ‘to, pagkatapos nito, iyo na ‘ko!”
Nakakatuwa, ‘di ba?
Sa totoo lang, ilang araw nang napupuyat sa kateteyping ang buong cast ng no. 1 primetime teleserye, pero hindi na namin iniisip ‘yon, dahil alam ng lahat na ang kanilang pinagpuyatan ay marami ang nakaka-appreciate.
Kaya nga suwerte na rin kami, dahil napasama kami sa teleser-yeng ito. Nakasabit na rin ang Ogie Diaz sa malalaking pangalang tulad nina Helen Gamboa, Ms. Susan Roces, Dawn Zulueta, Coco Martin at Richard Gomez.
Kahit pa tawagin kaming “Kenneth” at hindi “Ogie” ng mga tao, ayos lang. Ang importante, alam nilang kami si “Kenneth” sa Walang Hanggan.
Buti naman at wala pang humahampas ng payong sa amin, hahaha!
Oh My G!
by Ogie Diaz