MARAMING NAGTAAS ng kilay at nambabatikos kay Master Showman German “Kuya Germs” Moreno sa pagsama niya kay Anderson Cooper at Paul Walker sa Walk of Fame Philippines na ginanap last Dec. 1 sa Eastwood City, Libis, Quezon City.
Pero ayon kay Kuya Germs nang makausap namin sa DZBB 594, naniniwala raw itong deserving daw si Anderson.
“Bago nila ako batikusin, tingnan muna nila ‘yung nagawa nu’ng tao (Anderson) sa bansa natin.
“Si Anderson ang nagpakita ng tunay na mukha ng Tacloban at ilang parte pa ng Visayas na nasalanta dahil sa bagyong Yolanda sa buong mundo Kaya naman nang mapanood ito ng ibang bansa through CNN , may mga bansa kaagad na tumulong sa atin .
“Nakita naman natin ‘yung sincerity nu’ng tao na tulungan ang mga nasalanta nating kababayan. Hindi niya tao iniwan hanggang hindi naipapakita sa buong mundo kung ano talaga ang nangyari at kung ano talaga ang kalagayan ng mga tao roon. Kaya naman bilang pasasalamat na rin sa kanya sa nagawa niya sa bansa, isinama ko siya sa Walk of Fame ngayong taon.
“Alam ko na wala siyang dugong Pinoy, pero hindi man natin siya kalahi, meron naman siyang puso para sa ating mga Filipino. Bukod pa sa mas ‘di hamak na mas malaki pa ang naitulong niya, kumpara sa mga taong dapat na siyang tutulong sa ating mga kababayan.
“Sana lang bago nila ako husgahan, isipin muna nilang mabuti kung bakit nilagay ko si Anderson at anu-ano ba ang naiambag niya sa ating bansa.
“ At kahit nga hindi siya nakapunta , dahil alam naman natin kung gaano siya ka busy, na-email naman namin siya para ipaalam na isasama ko siya sa Walk of Fame Philippines.
“Alam naman natin kung anong tulong din ang ginawa ni Paul Walker sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda bago siya nadisgrasiya at namatay, kaya deserving din siyang masama sa Walk of Fame.” Pagtatapos ni Kuya Germs.
John’s Point
by John Fontanilla