AYAW NA LANG daw intindihin ng Master Showman himself na si Kuya German Moreno ang kung ano mang intrigang inilalabas ng kampo ni Suzette Ranillo kaugnay sa kung sino ba talaga ang official manager ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor.
Tsika ni Kuya Germs na pareho lang naman silang nagmamalasakit at tumutulong kay Ate Guy, kaya naman daw ‘wag nang gawing big deal kung sino sa kanila ang manager. Ang mahalaga, nagtutulungan sila sa career ng Superstar.
Dagdag pa ni Kuya Germs na wala siyang magagawa kung nagtampo sa kanya si Suzette, ‘pag tinatanong niya ito kung ano ang iba pang lakad ni Ate Guy na feeling daw nito ay obligado siyang mag-report kay Kuya Germs.
Pero gusto lang naman daw niyang malaman bilang manager ang schedule ng Superstar, dahil may mga schedules din naman daw siya para kay Ate Guy at umiiwas lang siya sa maaring maging conflict ng schedule ni Ate Guy, kung saka-sakaling naka-block off na ito.
At kahit si Kuya Germs ang tunay na manager ni Ate Guy, ni singkong duling ay hindi ito kumukuha ng porsiyento sa malaking kinikita ng Superstar, dahil para kay Kuya Germs, noon pa naman daw sa That`s at magpahanggang ngayon ay hindi siya pumuporsiyento sa lahat ng kanyang artist. May sarili naman daw siyang kita, kaya minsan ay siya pa ang nag-aabono para sa kanyang mga alaga.
KABABALIK LANG SA bansa ni Arnell Ignacio mula sa kanyang one-month stint sa Land of The Rising Sun, ang Japan. Dapat daw ay ilang linggo lang ang show ni Arnell sa Japan, pero masyadong nag-enjoy raw ang mga kababayan natin, maging ang mga hapon sa galing mag-perform ni Arnell, kaya naman na-extend nang na-extend.
Pero ayon kay Arnell, baon niya sa pag-uwi ang lungkot dahil sa pagtatagpo nila ni Suzuki sa Japan, hindi raw kasi inakala ni Arnell na magko-construction worker at waiter na lang ito sa Japan at iwan ang pag-aartista.
Laking panghihinayang daw ang naramdaman ni Arnell dahil minsan na ring pumutok ang pangalan ni Suzuki nang ma-link sa kanya, pero as isang iglap nang iwan nito ang Japinoy, ganu’n din kabilis ang pagbulusok ng career nito.
Ang naloka pa si Arnell ay ang paglobo ng katawan ni Suzuki mula sa mala-hunk na katawan nito dati sa Pilipinas, pero ngayon daw ay konti na lang at puwede na itong maging lumba-lumba. Kabog!
SA SURVEY NA ginawa ng ilang kapatid sa panulat sa among Tweens ng GMA-7 mula sa pelikulang Tween Academy Class of 2012, ang sisikat na husto at may karapatang tawaging Prinsipe at Prinsesa ng GMA-7 ay mataas ang botong nakuha nina Kristoffer Martin na ayon sa mga kapatid sa panulat ay napakaganda ng rehistro sa TV, may boses at magaling umarte, bukod pa sa maganda ang height. Mataas din ang boto ni Derrick Monasterio na maganda ang height, magaling kumanta at artista ang dating.
Among girls naman ay nanguna sa botohan si Bea Binene na bukod sa magaling umarte na kayang gumanap na bida or bida-kontrabida ay tipong artista talaga.
Habang among Tweens naman na kasama sa Tween Hearts (TV) ay malaki ang potential na sumikat sina Hiro Magalona na maganda rin ang rehistro sa TV, nakakaarte, maganda ang height at nakakakanta; Kim Komatsu na mala-Angel Locsin ang dating na napakaganda ng muka sa TV, Teejay Marquez na Pinoy version ni Mario Maurer, nakakasayaw, guwapo , magaling umarte at nakakakanta.
John’s Point
by John Fontanilla