DEBUTANTE NA ang show ng nag-iisang Master Showman na si German “Kuya Germs” Moreno, ang Walang Tulugan With The Master Showman, na magseselebra ng 18th anniversary ngayong darating na Sabado, February 8, 2014.
Tsika nga ni Kuya Germs, “Sana hindi lang 18 years ang itagal ng Walang Tulugan. Sana mas tumagal pa ito ng ilan pang taon hanggang kaya ko pang magtrabaho.
“Para nang sa ganu’n, marami pa akong mga kabataang matulungan na gustong magkaroon ng puwang sa showbiz, mga kabataang nangangarap na mag-artista.
“Ang Walang Tulugan kasi, welcome ang lahat. Baguhan ka man o datihan, basta gusto mong kumanta, sumayaw o gusto mong mag-promote, welcome sa amin.
“‘Yung nasimulan ko sa That’s Entertainment noon, ‘yun ang ginagawa ko sa Walang Tulugan. Kaya kung titingnan mo, maraming kabataan dito ang tini-train namin mula sa hosting, singing at dancing maging sa acting.
“Ilan na bang bata ang nagsimula rito na nabigyan ng break nandyan si Glaiza De Castro, Jake Vargas, Hiro Magalona Peralta, Ken Chan, Teejay Marquez, Jak Roberto, Arkin Del Rosario, Aki Torio, Upgrade, Ren Escano, Kate Lapuz, Marlo Mortel , Justin Rossana, at marami pang kabataang may potential.”
Masaya raw ang Master Showman dahil patuloy na tinatangkilik ng mga manonood ang Walang Tulugan, hindi lang sa bansa kung hindi maging sa Amerika at Canada, at sa ibang panig ng mundo, kung saan number one ang show na ito ni Kuya Germs.
BUKOD KAY Joyce Ching at Kim Rodriguez, gusto raw makatrabaho ng Paraiso Ko’y Ikaw cast na si Phytos Ramirez, ang isa sa Prinsesa ng GMA 7 na si Kris Bernal. Bukod daw kasi sa maganda at mabait ang dalaga ay magaling pa itong umarte.
“Gusto ko talagang maka trabaho si Kris Bernal, kasi dati napapanood ko lang siya. Ngayon, nakikita ko na siya rito sa GMA at gandang-ganda ako sa kanya. Bukod sa hinahangaan ko siya bilang mahusay na aktres.”
Having crush with Kris Bernal? “Noon pa, crush ko na si Kris Bernal, napapanood ko pa lang siya. Kaya nga nu’ng nakita ko siya sa SAS (Sunday All Star) na starstruck ako, kasi ang ganda-ganda kasi niya. Nakailang tingin nga ako sa kanya. Hahaha!
“Hindi ko nga alam kung napapansin na ni Kris na paulit-ulit ko siyang tinitingnan, hahaha! Lalo na ‘pag ngumiti na siya, tapos mabait pa siya. Kaya mas naging crush ko siya.
“Sana mabigyan ako ng chance na makatrabaho siya, para mas mapalapit ako sa kanya at mas makilala ko pa siya,” pagtatapos ni Pythos.
John’s Point
by John Fontanilla