WALA RAW balak si Kuya Germs Moreno na tumigil sa pagdidiskubre ng mga bagong talent na puwedeng pakinabangan ng industriya. Ito na raw ang role ni Kuya Germs sa Showbiz , ito lang daw ang puwede pang maiambag ng Master Showman, ang makadiskubre ng future stars na kanyang ginagawa sa kanyang Walang Tulugan with the Master Showman.
“Kaya nga ako patuloy na dumidiskubre ng mga baguhan. Katulad din ni Shalala na nu’ng una ay ayaw-ayaw pa, pero ‘pag tagal, gusto rin naman pala niya at ngayon nga may solo movie na. Basta ako, nakakita ako ng talent na may potential at alam ko na pakikinabangan ng industriya, tinutulungan ko ‘yan. Kasi ‘yun naman ang kailangan ng industriya, ang artista. Kaya ako hindi ako napapagod na mag-diskubre, hanggat kaya ko pa, hangga’t nandito pa ako at hangga’t kailangan ng industriya ng serbisyo ko, mananatili ako rito.
“‘Yun naman siguro kasi ang role ko sa showbiz, ang tumulong at dumiskubre ng mga bagong artista. Katuald ng ginagawa ko noon sa That’s Entertainment, GMA Supershow at sa iba ko pang shows, hanggang dito sa Walang Tulugan.
“Nakakatuwa kasing makita na from your show ay may nade-develop kang bagong mga bituin. Katulad na lang sa Walang Tulugan, d’yan galing ang ilang young stars ngayon ng GMA na nagagamit sa shows. Like si Jake Vargas, Teejay Marquez , Michael Pangilinan, Ren Escaño, Hiro Peralta, Arkin Del Rosario, Aki Torio, Ken Chan, Renz Valerio, ang grupong Upgrade, Jak Roberto at kapatid nitong si Shai, at marami pang batang may potential at puwedeng gamitin sa shows ng GMA.
“Kaya nga sinasabi ko sa kanila (GMA executives) na pansinin ang mga bata sa Walang Tulugan, dahil may mga bata roon na puwedeng ilagay sa future shows ng GMA-7,” pagtatapos ni Kuya Germs.
PATOK NA patok sa mga manonood ang Lifestyle Show na It’s More Fun with Philip hosted by Philip Abadicio at napapanood tuwing Sunday 9:30pm sa Aksyon TV at may replay ng Tuesday 9:30pm at Saturday 5pm na ngayon ay nasa season 2 na.
Isa sa mga segment nito na talaga namang inaabangan at aliw na aliw ang mga manonood ay ang “Kuwentuhang Kumot”, kung saan ang kanilang kuwentuhan ng kanyang guest co-host ay mangyayari habang nakatalukbong ng kumot.
No holds bar at lahat puwedeng pag-usapan mapa-personal , sikreto o trabaho ng kanyang co-host. Kaya naman marami ang nag-aabang nito. Ilan nga sa gustong ma-interview sa ilalim ng kumot ni Philip sina Senator Nancy Binay, Madam Imelda Romualdes Marcos at iba pang mga sikat na artista at personalidad.
John’s Point
by John Fontanilla