VERY EMOTIONAL ang Master Showman na si Mr. German Moreno sa tuwing maaalala nito ang kanyang pagsisimula bilang host sa Germspesyal na nagsimula noong May 7, 1987 sa GMA 7.
Kuwento nga ni Kuya Germs, “Sa tuwing sasapit ang May 7, naaalala ko kung papano nagsimula ang Germspesyal, Germside hanggang sa umabot sa GMA Supershow, hanggang sa nagkaroon pa ako ng ibang shows sa GMA 7.
“Nagsimula sa isang pangarap, pangarap na natupad. Alam naman ng marami kung papano nagsimula ang isang Kuya Germs at kung anong sakripisyo at hirap bago ko narating ‘yung kinalalagyan ko. At kung papa’nong binawi lahat ng nasimulan kong pangarap nang isa-isang nawala ‘ung mga show ko sa GMA 7.
“Pero kahit ganu’n ang nangyari, nanatili pa rin akong loyal sa Kapuso Network, hanggang tinanong ko sila kung kailangan pa ba nila ako at sinagot naman nila ng oo.
“Kaya humingi ako ng isang show at binigay nga nila ang Master Showman na later on ay naging Walang Tulugan With the Master Showman na at ngayon ay 18 years na kami.
“Kaya nga hindi ko mapigilang mangiti sa tuwing sasapit ang araw ng anibersaryo ng Germspesyal almost 27 years na ang nakalilipas dahil dito nagsimula ang lahat.
“Naalala ko pa ‘yung naging una kong co-host, si Edna Diaz tapos sinundan ni Jackielou Blanco nang mag-asawa si Edna. Tapos naging GMA Supershow kung saan naging co-host ko si Sharon Cuneta. Kasama rin sina Maricel Laxa, Cristina Gonzales, Gretchen Barretto, John Nite, Chad Borja, Richard Reynoso, Lani Mercado, Mariz, Dawn Zulueta, Jam Morales, Sheryl Cruz, Zsa Zsa Padilla, at iba pa.
“Pati ‘yung mga bata na guma-graduate sa That’s Entertainment, katulad nina Jean Garcia, Ruffa Gutierrez, Vina Morales at iba pa. Nilalagay ko sa GMA Supershow, nagiging co-host ko na rin.
“Pati si Kris Aquino naging part din ng GMA Supershow, pero nu’ng nagsimula na siyang gumawa ng pelikula at maging busy na, hindi na siya nakaka-attend.
“Kaya naman sa May 16, muli naming bubuhayin ang Germspesyal hanggang GMA Supershow sa Walang Tulugan. Ipapakita namin ‘yung ibang mga numbers during the time of Germspesyal hanggang GMA Supershow.
Hiro Magalona Peralta at Barbie Forteza tandem, marami ang kinilig
MASAYA ANG Kapuso Star na si Hiro Magalona Peralta sa magandang turnout ng pagsasama nila sa Maynila last Saturday episode ni Barbie Forteza na marami ang nagsasabing may click factor ang kanilang tambalan.
Inulan nga si Hiro ng messages sa kanyang Twitter, FB at Instagram na nagsasabing nagustuhan nila ang episode na magkasama sila ni Barbie at kinilig sila sa mga sweet moments ng dalawa.
Wish nga ni Hiro na someday ay magkasama sila ni Barbie hindi lang sa guesting sa mga palabas ng GMA 7, kung hindi sa mga future teleserye ng GMA 7. Dagdag pa ni Hiro na masarap at magaan daw katrabaho si Barbie dahil bukod daw kasi sa magkaibigan sila ay matagal-tagal din silang nagkasama sa Tween Hearts.
Gusto Raw ni Hiro ang pagiging magaling umarte ni Barbie at pagiging prangka at totoong tao nito na kung ano ang gustong sabihin at nararamdaman ay sinasabi nito na parehong-pareho niya, kaya naman daw nagkakasundo sila sa maraming bagay.
John’s Point
by John Fontanilla