KAMAKAILAN AY ginanap ang inauguration ng Walk Of Fame sa paligid ng GMA Network Compound. Makikita rito ang mga pangalan ng mga artista at iba pang mga personalidad na Kapusong maituturing mula noon hanggang sa ngayon.
Ang Master Showman na si German Moreno ang naging punong abala rito, kung saan guest of honor sina Senator Tito Sotto, Quezon City Mayor Herbert Bautista, at Manila Vice Mayor Isko Moreno. Nakiisa rin sa pagtitipon na ito ang maraming Kapuso Stars, pati na ang news personalities ng GMA, at ilan pang celebrities na malapit kay Kuya Germs.
Tanong namin sa beteranong TV host… hindi kaya magdulot ng kalituhan sa publiko na naging dalawa na ang Walk Of Fame? Isa ‘yong nasa Metro Walk sa Libis, Quezon City, at ngayon naman ay meron na rin nga sa GMA compound sa Edsa at Timog Avenue, sa Quezon City pa rin.
“Sa network naman ito,” aniya. “Dahil ang buong Quezon City, paliligiran someday ng mga ganyan. Dahil City of Stars nga ang Quezon City, ‘di ba?
“Hindi ibig sabihin na… komo nasimulan ko na sa Eastwood, eh, wala nang puwedeng paglagyan pa, ano? Buong Quezon City, sa mga darating na panahon… I hope, ha! Halimbawa ‘yong mga lugar gaya ng Sampaguita Compound at LVN Studio, eh, ‘yon dapat meron ding mga ganito. ‘Yong original nga na plano ko sana nito… sa Quezon Avenue hanggang makarating nga sa Quezon City Hall. Eh, hindi nagawa.”
Parang na-inspire ang GMA na magkaroon nga ng kaparis ng kanyang Walk Of Fame. Ano ang kanyang pakiramdam kaugnay nito?
“Well… masaya na malungkot. Masaya dahil nagagawa ko pa rin ‘yong gano’n hangga’t nandidito pa ako. ‘Di ba? Maybe someday, ABS-CBN will do it also doon sa paligid nila. Para makita rin naman ng mga aristang nagtrabaho roon na malaking tuwa para sa mga artista na may ganoon para sa kontribusyon na nagawa nila sa network.”
Bakit naman sa isang banda ay nakararamdam din siya ng lungkot?
“Eh, merong ano, eh… may mga bagay na hindi maintindihan ng iba. Like halimbawa meron kang iniligay na pangalan, tapos ayaw papuntahin ‘yong anak.
“Why? Dahil daw sa merong mga hinanakit sa mga ganyan. Eh, hindi na maganda.”
Ayaw nang mag-elaborate pa ni Kuya Germs tungkol dito. Hindi rin daw niya gustong magbanggit ng pangalan kung sinu-sino ang pinatutungkulan niya.
“Hindi bale na. Someday, they will know it!” bahagyang nangiting sabi na lang niya. “Eh, hindi ko na lang pinapatulan. Dahil maaaring wala sa sarili.”
Vero vocal pa rin si Kuya Germs sa pagsasabing kung meron man daw siyang pangunahing ikinatatampo, ito ay ang pagkakabinbin ng goal at vision niya na porma ngang maideklarang City of Stars ang Quezon City at ‘yong Walk Of Fame na dapat nga ay babaybay mula Quezon Avenue hanggang sa may Quezon City Hall.
“‘Yong merong ‘Welcome To Quezon City: The City Of Stars’. ‘Yon sana ang pinapangarap ko. Eh, ‘yong mayor (Herbert Bautista) natin ngayon eh, showbiz personality, ‘di ba? Nalagay naman ang pangalan niya sa Eastwood. Sana inaprubahan na niya na ma-implement ito. Ang kulang na lang ay ‘yong implementation.
“Dahil hindi ko makita ang logic na… anong diperensiya? Naaprubahan na ng mga city councilors, pagkatapos ay ‘yong implementation ang kulang.”
Nakapag-usap na ba sila ni Mayor Herbert tungkol sa tampo o hinaing niyang ito?
“Oo. Ilang beses ko nang sinasabi sa kanya iyon, eh. Kaya nakararamdam ako ng tampo. Eh, showbiz siya, eh.”
‘Yon na!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan