HINDI MAGKAMAYAW sa palakpakan at hiyawan ang mga nanood sa matagumpay na concert ng Charity Diva na ginanap last Saturday sa Teatrino Greenhills nang lumabas sa entablado ang nag-iisang Master Showman na si German “Kuya Germs” Moreno at mag-alay ng tatlong awitin.
Alam ng mga manonood na isa si Kuya Germs sa mga espesyal na panauhin ni Ms. Token along with Ms. Elizabeth Ramsey, Prima Diva Billy, Richard Poon, Michael Pangilinan, Nisa Limjap, Aj Tamiza, Le Chazz, at iba pa. Pero ang alam ng lahat, magbibigay lang ng maganda at inspirational speech si Kuya Germs lalo na’t for a good cause ang show ng Charity Diva.
Pero nagulat ang lahat nang magsimula nang umawit at mag-live si Kuya Germs habang nagpi-piano si Maestro Butch Millaflor na siya ring director ng said show. Inawit ni Kuya Germs ang kanyang paborito na “Hanggang”, na pinasikat ni Wency Cornejo, kung saan dumaloy ang luha sa mga mata niya.
Tsika nga ni Kuya Germs, everytime daw na inaawit niya ang nasabing kanta, hindi niya raw talaga maiwasang maluha sa ganda ng melody at lyrcis ng nasabing awitin. Kahit nga raw ang ibang artist na umaawit nito at inaalay sa kanya ay hindi niya maiwasang maluha.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakasama si Kuya Germs sa isang concert na umawit siya ng ‘di lang isa kung hindi tatlo pa. Kaya naman ‘di magkamayaw ang mga tao sa palakpakan at hiyawan dahil na rin sa magandang rendition ni Kuya Germs ng mga nasabing awitin with emotions.
Tsika nga ng mga kapatid sa panulat na pasado na raw si Kuya Germs at puwede nang mag-concert sa ganda ng tinig nito, idagdag pa raw natin d’yan ang pagkakaroon ng album na panigurado raw na bebenta dahil na rin sa dami ng mga taong nagmamahal kay Kuya Germs.
John’s Point
by John Fontanilla