WALONG TAON na ngayon ang patuloy na pagbibigay ng karangalan ni Kuya Germs sa mga artista at iba pang mga sikat na celebrities ng mga naunang dekada at ng kasalukuyan. Ito’y sa pamamagitan ng mga metal na tiles na may pangalan ng mga stars na nilalagay sa mga matataong lugar na pasyalan.
Nauna itong isinagawa ni Kuya Germs (German Moreno) sa Eastwood, Libis. Kuwento ni Kuya Germs, “Hindi naman talaga roon ang una kong planong simulan ang Walk of Fame. Nataon lamang na may nag-suggest sa akin na mayroon nang puwedeng paglagyan ng Walk of Fame, at mayroon pa nga sanang mag-isponsor dito ng iba pang mga gastusin. May dalawa akong nakilala at nagmagandang-loob na sila raw ang bahalang kumuha ng sponsor. Eh, ‘di tuwang-tuwa ako, dahil sa wakas ay magkakaroon na ng katuparan ang pangarap kong mangyari. Nang dumating na ang araw na ‘yun ay dismayado ako. Wala raw silang makuhang sponsor.”
Wala na siyang magagawa at hindi naman niya puwedeng iatras o ipagpaliban pa ang event dahil naimbitahan na niya ang mga artista. Siya na rin mismo ang gumastos dito ng sarili niyang pera. Hindi birong gastos ang ginawa ni Kuya Germs dahil bawa’t isang tiles na gawa sa bronze ay nagkakahalaga na ng twenty thousands. Ang dami pa nito na kada December 1 ay ginaganap bukod pa ang special day sa kalagitnaan ng taon.
Nagsimula ang ideyang ito ni Kuya Germs nang makita nito ang Walk of Fame sa Holywood. Gusto niyang magkaroon din nito sa Pilipinas. Sinimulan niya ito dahil kung hindi, walang makaiisip na gawin ito.
Una niyang plano umano ay ang City of Stars sa mismong Lungsod ng Quezon, dahil sa lungsod na ito nagsimula ang mga artista at dito rin naroroon ang mga film production tulad ng Sampaguita Pictures, Tagalog Ilang-Ilang Production, LVN Premiere Production, Larry Santiago Production, FPJ Production, at Everlasting Productions.
Katuwang umano niya sa pagsasagawa nito ay ang isa sa mga anak-anakan nito sa That’s Entertainment na si Dingdong Avanzado na naging konsehal ng Quezon City. Plano nilang umpisahan ang paglalagay ng mga plates from Welcome Rotonda patungo sa Quezon Memorial Circle kung saan ay palalagyan umano niya ito ng mga stalls ng ng mga celebrities.
Naipagpaalam na umano niya ito sa dating mayor noon na si Mel Mathay na inaprubahan naman. Hanggang sa maging mayor naman ay si Sonny Belmonte, na inayunan din. Hindi lamang naisagawa ito dahil sa kakaulangan ng budget at pakikiisa ng mga lider ng lungsod. Isa sa mga hinanakit niya ay ang pagsalungat sa kanyang balak ni Anthony Castelo, na konsehal din noon. Inaasahan pa umano niya na ang mga nakapuwesto sa gobyerno na mga celebrities ang siya niyang makakatulong na maisakatuparan iyon.
Nang dumating na ang panahon na si Mayor Herbert Bautista, muli niyang inilapit ito. Muli ay naunsiyame si Kuya Germs dahil hindi raw alam ito ni Mayor at walang nakarating sa kanya kaya hindi ito nai-implement.
Hindi pa rin daw nawawalan ng pag-asa si Kuya Germs hanggang sa pagkakataong masimulan na niya ito sa Eastwood hanggang sa ngayon. Nasa isip na rin niya na maglagay nito sa paligid ng GMA 7. Nakipag-usap muna umano siya sa pamunuan ng network na si Atty. Felipe Gozon, president/ CEO ng GMA7. Sinang-ayunan naman siya nito. Naipalagay na kaagad ni Kuya Germs ang mga star plates ng celebrities, mga newscasters at ilang mga naging bahagi ng istasyon sa kanilang matagal na serbisyo kabilang din si Gng. Elvira Ledesma-Manahan na ina ni Mr. Johnny Manahan a.k.a. Mr. M.
Sa darating na araw ng Linggo, Marso 23, pagkatapos ng Sunday noontime show na Sunday All Stars, gaganapin ang blessing at ceremony ng Walk of Fame ng GMA 7.
by Marialuz Candaba