BLIND ITEM: Ang akala ko, nagbago na si Kuya at nangakong hindi na muling tatapak ng casino para magsugal matapos siyang matalo nang P120M ngayong taon lang sa Macau. Super pinagsisihan na raw niya ito at na-realize niyang maling-mali ang kanyang ginagawa.
At ang sabi nga ng mga kaibigan niya, “Kung ‘yan ba ay itinulong mo na lang sa mga mahihirap tulad ng ginagawa mo? Eh, ‘di masarap pa sa pakiramdam. Kesa ipatalo mo lang for three days sa casino ang P120M mo, ‘di ba?”
Napagtanto naman daw ni Kuya na siya’y maling-mali Roon. At ang ipinangako pa raw nito sa sarili, “Hindi na. Ayoko na. Tama na ‘yon.”
Pero noon lang ‘yon, dahil noong October 27 naman daw, inabot nang buong maghapon si Kuya sa isang pinakabagong sosyal na hotel casino malapit sa MOA at natalo na naman ito ng P15M! Kuwento pa ng source ko, “Bago ‘yon, mga P3M lang. Nu’ng sumunod naman, P5M naman.”
Aba’y ano ba naman ang pakialam natin eh, pera naman niya ‘yon, ‘di ba? Pinagpaguran naman niya ‘yon at hindi naman ‘yon produkto ng pork barrel. Alam ko namang hindi naman ikahihirap ni Kuya kung ilang milyon pa ang kanyang ipatalo sa sugal, dahil an’dami rin naman niyang ari-arian na kahit hindi siya magtrabaho ay puwede nang bumuhay ito sa kanya hanggang sa siya’y malagutan ng hininga.
Kaso, pa’no kung araw-araw siyang magpatalo ng ilang milyon? Malamang, lahat ‘yan, puwedeng maubos agad.
Ako mismo, na-sad nang mabalitaan ito. Ako ang nanghihinayang kahit hindi ko pera ‘yan, eh. Hahaha! Kung ako sa kanya, kesa naman isugal niya ang milyones niya, ba’t hindi na lang niya ibili ito ng mga pang-grocery at magsagawa siya ng relief operations at pumunta siya sa Bohol para siya mismo ang mag-abot ng kanyang tulong?
At para makita niya ang mga kababayan niya roon na lagi na lamang ipinagdarasal na sana’y laging may mag-abot ng tulong sa kanila, samantalang siya’y gano’n na lamang maglustay ng pera.
Kaya kung ako kay Kuya, ‘wag sana siyang mawili sa pagsusugal, dahil hindi rin ‘yan makabubuti sa kanyang kalusugan.
By Ogie Diaz