Kwento-kwento

 

ANG PAKSA KO ay tungkol kay Liza. Ewan kung nasaan ng lupalop ng mundo siya ngayon. Isang gabi ng Disyembre 1970, inihatid ko siya sa Pantranco bus terminal para umuwi sa Baguio. Kanyang probinsiya. Para magsimula. Magbagong-buhay.

Si Liza ay nakilala ko sa isang maingay at mausok na bar sa Ermita. Siya’y mataas, mahaba ang buhok, malamlam ang mata at may maalindog na katawan. Sa madaling salita, tatlong beses isang linggo nauubos ang overtime ko sa kanya.  Hanggang ‘sang umaga, pinutakti ako ng mura ni Mrs. dahil sa lipstick sa aking panyo at leeg. Dito natapos ang aming kabanata.

Ngunit ‘di nagtagal, nagkita muli kami. Sa pagkakataong ito, hindi para sa panandaliang ligaya. Hinimok ko siyang magbagong-buhay. Mag-rehabilitate sa isang kumbento. ‘Di ko i-naasahang sasang-ayon siya.

Pagkatapos ng anim na buwan sa kumbento, balik-probinsiya siya. Malungkot na paalaman. Ngunit nagbubunyi ang aking puso sapagkat alam ko na ginamit akong instrumento ng Maykapal sa kanyang pagbabagong-buhay. Kasabay na ang akin.

Mahigit tatlong dekada na ‘di ko siya nari-ringgan. Nu’ng Pasko ng 2001, nakatanggap ako ng isang Christmas card sa kanya. Ngunit walang address. Isa lang maikling pagbati. Naglaho siyang parang bula.

Ewan ko kung bakit hanggang ngayo’y sumasagi pa rin ang kanyang alaala. Ano na kaya ang nangyari kay Liza?

SI MANG SENYONG ay aming family driver sa mahigit na 20 taon. Grabe ang mastery sa manubela. At kaalaman sa anumang lokasyon sa Metro Manila. Maliliit at pasikut-sikot na kalye ay kabisado niya.

Sa loob ‘ata ng ganyang panahon, limang beses lang nag-absent. Ilan dito nang pagsaktan ng ngipin at sikmura. Na-confine sa ospital. Maski baha, bagyo, apoy o pagharang ng anumang demonyo, siya ay eksaktong nagre-report ng alas-7:00 araw-araw.

Siya na tuloy ang parang naging relo ng a-king mga kapitbahay. Yabag ni Mang Senyong ‘yan. Sigurado alas-7:00 na.  Sinisiguro nila.

Bukod sa pagiging driver, si Mang Senyong ay aking self-appointed adviser. Sisenta anyos na. Nagtrabaho sa Guam at Saudi Arabia bilang isang US Marine. Napakalawak ng karanasan sa buhay at mundo. Kaya sa aking personal na suliranin at iba pa, siya ang takbuhan. Laging bukas ang tenga. Handa sa mga payo.

Kunsintidor din si Mang Senyong. Sa aking gabing escapades, bulag at pipi siya ‘pag inusisa ni Mrs. Naintindihan kita, sabi niya. ‘Yun lang, gamit ng condom at inom ng antibiotic. ‘Wag pababayaan ang kalusugan at kapakanan ng pamilya.  Mahinay na payo.

Ngunit dumating ang mapait na oras na dapat kaming magkahiwalay. Lumalabo na raw ang kanyang mga mata. Hindi na matatag ang kamay sa manubela. Malilimutin na rin. Sa hindi ko alam na kadahilanan, umalis siya nang walang paalam.

Sa paglisan ni Mang Senyong, nag-iba ang ikot ng aking mundo. Maraming pumalit.  Subalit ‘di nila mapunan ang kanyang kakayahan at katapatan. Hinahanap-hanap ko pa rin siya.

Nu’ng nakaraang taon, nakatanggap ako ng kanyang tawag. Humihingi ng dispensa sa hindi niya pagpapaalam. Uuwi raw silang mag-asawa sa Visayas upang magsaka na lang. Mahina na ang kanyang katawan. Ang kanyang mata ay tuluyan nang lumabo.

Sa madaling-araw, ewan kung bakit sumasagi pa siya sa aking isip. Isang ordinaryo at simpleng driver na naglingkod ng dalawang dekada. Nagbuhos ng pagod, pagmamahal at pagmamalasakit sa aking pamilya. Isang kakaibang nilikha.

Nasaan na kaya si Mang Senyong?

Quips of the Week:

Tanong: “Sir Erap, bakit ho ang bangu-bango n’yo?”

Sagot: “Ganyan talaga ‘pag pinapawis ako.”

Tanong: “Sir Erap, ano po ang paborito n’yong alphabet?”

Sagot: “Alphabet soup.”

Tanong: “Sir Erap, mahal ang bayad sa restorang ito dahil sa ambiance.”

Sagot: “OK lang. Pero pabalot mo ang ambiance.”

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articlePolice brutality at collectors sa NPD
Next articlePangongotong sa kalentong

No posts to display