MAGKAKAROON ng Pinoy adaptation ang 2010 South Korean melodramatic erotic thriller film na The Housemaid at gagawin ito ng Viva Films ilang araw mula ngayon. Ang iconic film na inilaban pa noon sa Cannes International Film Festival ay idinirek ni Im Sang-soo.
Sa Pinoy version nito ay bida ang beauty queen turned actress na si Kylie Verzosa na gaganap sa role ni Daisy. Ididirek naman ito ni Roman Perez, Jr., ang gumawa ng controversial sexy film na Adan starring Cindy Miranda na prinodyus din ng Viva Films.
Ayon kay Kylie, ang The Housemaid ang maikokonsider niyang most challenging role na gagawin niya bilang artista.
“I would consider this one of my most challenging role kasi iba talaga siya sa personality ko, medyo malayo talaga siya sa akin as Kylie. And iba siya sa mga role na nagagawa ko sa TV, sa movies, so my sense of parang kaba, may sense din ng excitement, may sense din ako ng saya, so yon,” masayang pahayag ni Kylie na huling napanood sa ABS-CBN series na Los Bastardos.
Dagdag pa niya, challenge din para sa kanya na makatrabaho ang mga batikang artista tulad nina Jaclyn Jose, Albert Martinez at Alma Moreno sa pelikula.
“Magiging pinaka-challeging role din siya siyempre kasi kasama ko yung mga batikan na aktor, so challenging din yon para sa akin,” sabi pa niya.
Nagkaroon ba siya ng second thought na tanggapin ang movie project considering na daring at sexy ang kanyang magiging role?
Sagot ni Kylie, “Nung pinapanood sa akin yung film, siguro mga two to three days bago ko ito i-accept. Tapos pinanood ko ulit yung movie, tapos pinag-usapan namin kung anong mga restrictions or limitations na puwede kong ibigay para sa film.
“Yon lang yung inayos namin but otherwise gusto ko kasi yung film dahil kakaiba siya. Hindi siya yung typical na leading lady na mabait. Very interesting siya para sa akin, very curious ako don sa role.”
Handa na ba siya sa ilang mga mapangahas na eksena sa pelikula with Albert Martinez?
“Siyempre, pinag-uusapan namin yan nina Direk, nina Tito Albert (Martinez), so I think marami-raming usapan yan sa set at sa treatment,” natatawa niyang pahayag.
Sa The Housemaid, si Daisy ay nasa early 20s na pumasok bilang isang housemaid sa isang mayamang pamilya dahil sa malaking offer na suweldo. Papasok siya bilang kasambahay na inosente at may malinis na intensyon. Pero mababago ito kapag nagkaroon sila ng encounter ng kanyang among lalaki played by Albert na merong inner sexual desire sa kanya.
As expected, dahil sa pandemic ay lock-in pa rin ang shooting ng The Housemaid. Hindi raw naman ito problema kay Kylie.
“Mas madali sa artista at sa production rin. Tapos yung character hindi nabibitawan kasi nando’n lang kayo sa set and importante yon sa movie na ‘to, eh, dahil… para sa akin malayo siya sa character ko,” lahad niya.
“Siyempre, swab test is required so it’s a close set. Everyone here and and their location or kung hotel lahat yan naka-test, so bawal pumasok, bawal ding lumabas. Tapos everyday may mga safety protocols din kaming mga sinusundan – temperature check – para alam mo yon, hindi magkasakit.”
Nang makausap namin si Kylie sa storycon ng The Housemaid via Zoom ay nasa lock-in taping siya sa isang probinsya para sa Ghost Adventures ng Viva Entertainment na ipapalabas din very soon.