Iba nga ang dating ng singer na si KZ Tandingan. Sa ibabaw ng entablado kapag kumakanta na siya, iisipin mo na sinasapian siya ng kaluluwa ni Ella Fitzgerald o ‘di kaya’y ni Billy Holiday.
Ang galing kasi niya. Sa bawat bigkas ng nota sa inaawit niyang musika, alam mo at ramdam kung anong klase siyang mang-aawit.
Akala ko nga galing siya sa ibang bansa bago pumalaot sa singing contest sa telebisyon na mula nang magwagi ay tuluy-tuloy na ang pagsikat niya.
Sa media launch ng Himig Handog P-Pop Love Songs 2016 na magaganap ang finals sa April 24 sa Kia Theater sa Cubao, nakatsika namin si KZ na hindi lang malinaw sa akin kung ang last name niyang “Tandingan” ay ire-retain pa rin niya.
KZ na lang yata ang magiging professional name niya. Ilalaglag na ang Tandingan sa pangalan niya. Sa isang sulok kasi ng venue, pinag-uusapan ‘yong tungkol sa pagtanggal ng “Tandingan” sa professional name niya.
KZ Tandingan man or KZ na lang, hindi na siguro mahalaga ‘yun. Basta magaling siya. Tulad nang naipamalas na niya kung sino si KZ Tandingan, kaya with or without the “Tandingan” sa professional name niya, swak na ‘yun. Alam mo nang may tatak na siyang naiwanan sa industriya ng musika at pagkanta.
Sa nasabing media launch, lutang na lutang siya sa liit niyang ‘yun. Wala pa siyang 5 feet tall. Mas maliit pa yata siya kay Nora Aunor kung nakayapak.
Sabi ko nga sa kanya, why not perform na nakayapak. Parang grupong Agaw Agimat na isang Pinoy Punk group in the 90’s na ang lead singer na babae na kasing liit din niya ay nakayapak kapag nagpe-perform.
“Sa liit kong ito, kung hindi ako magha-high heels baka, ‘di na ako makita,” natatawang reaksyon niya sa tonong Bisaya. “Hanapin ko sila sa Internet,” sabi ni KZ habang ini-encode ang pangalang “Agaw Agimat” sa kanyang mobile phone.
In her tangerine kimono inspired top na parang floral embroidered design, iba na siya. “Noong maliit pa ako, ito na ang gusto ko, panimula niya sa amin. Gusto ko, kaiba ako,” sabi niya na tunay namang nakaaagaw siya ng pansin sa amin.
Sa pananamit niya, sa pagkanta niya at pag-indak sa ibabaw ng entablado habang kumakanta siya, iba si KZ sa paningin namin. Para siyang sinasapian ng kaluluwa ng mga paborito niyang mang-aawit.
Pakiwari ko nga, napo-possess siya kapag kumakanta na siya, na maging siya mismo, ang galaw niya, ang hampas ng mga kamay niya at pagyugyog ay bahagi marahil ng possession sa kanya ng kung ano mang element kung bakit magaling siyang kumanta at bigay na bigay.
Mula sa kanyang mumunting raket noon sa bayan na pinagmulan niya, kung saan isa siyang acoustic singer sa mga bar, ang layo na ng tinahak ni KZ sa kanyang ccareer. Milya-milya na. From pa-chill na pagkanta, si KZ, todo-hugot na kapag nagpe-perform siya. “Basta nasa stage na ako, ‘di ko na alam kung ano ang mangyayari. Basta ibibigay ko ang tamang performance. Pagpikit ng mga mata ko, bahala na, pero they like it naman,” kuwento niya.
Sa Himig Handog 2016, ii-interpret ni KZ with Jay-R ang “Laban Pa” ng composer na si David Dimaguila na bongga rin ang tunog na kabilang sa mga personal choice ko rin.
Reyted K
By RK VillaCorta