NANG MANALO si KZ Tandingan bilang first grand winner ng X-Factor Philippines ng ABS-CBN, nag-iba na ang takbo ng kanyang buhay. Nagsimula sa pagiging bokalista ng banda sa Digos, Davao del Sur at ngayon ay regular performer na siya ng ASAP every Sunday, bilang bahagi ng Pinoy Champs, kasama ang mga grand winners ng iba’t ibang singing contest at talent searches ng Kapamilya Network na sina Yeng Constantino, Jovit Baldomino, Marcelito Pomoy at Angeline Quinto.
Maraming pagbabago sa buhay ni KZ ngayong ganap na siyang professional singer. Hindi na niya kailangang pang humanap ng racket dahil kusa na itong dumarating sa kanya. Pati personality ng dalaga ay malaki na rin ang ipinagbago. Mukha na siyang mabango at kaakit-akit sa paningin namin habang nagpi-perform. Natuto na ring mag-ayos, pati damit na isinusuot ay bagay na rin sa kanyang personality.
“Tinutulungan naman po ako ng handler ko sa mga gagamitin ko sa show. Sila po ‘yung nakaaalam kung ano ang babagay sa akin. Ngayon po medyo complicated na ang mga bagay-bagay dahil hindi mo na magagawa ‘yung mga bagay na dati mong ginagawa noon. Kailangang magpaalam ka muna sa Star Magic for their approval dahil sila po ang nagma-manage sa akin. Sila rin ang nakaaalam kung ano ang makabubuti para sa akin,” aniya.
Four million in cash and prizes kasama ang recording contract sa Star Records ang nakuhang premyo ni KZ sa X-Factor Philippines. Ayon sa dalaga, ‘yung one million ay mapupunta sa simbahan nila sa Digos, Davao del Sur dahil ipinangako niya ito. Kahit nandito siya sa Manila at ang kanyang mga magulang ay nasa pro-binsiya, hindi nito nalilimutang magpadala ng pera para sa pamilya.
“Nalaman ko, ‘yung binibigay kong pera hindi pala nila ginagastos. Nilalagay nila sa bangko for my savings. Na-touch nga po ako dahil ‘yung kapakanan ko pa rin ang iniisip nila,” say ng X Factor grand winner.
Kahit hindi pa nagagawa ang solo album ni KZ under Star Records, nakapag-recording na naman siya in her new version ng “Killing me Softly” with the top 12 na sina Gabriel Maturan, Daddy’s Home, Allen jane Sta. Maria, Jeric Medina, Kedebon Colim, Joan Da, Mark Mabasa, Modesto Taran, Jerriane Templo, Aka Jam at Take Off. Most requested song ang awitin ni KZ sa iba’t ibang FM station dahil mala-imported ang dating ng kanyang boses.
Sikat na nga si KZ at kilala na kahit saan magpunta. Madalas niyang kasama sa mga lakaran ang kanyang co-finalists na sina Allen, Jeric, Gab at Kedebon. Hindi ipinagkaila ni KZ na tumira siya sa X Factor judge na si Martin Nievera sa Alabang. Taos-puso ang pasasalamat nila ni Allen sa singer/composer dahil inampon sila nito kahit tapos na ang X Factor Philippines.
Hindi malilimutan ni KZ ang mentor niyang si Charice Pempengco dahil sa tulong at suportang ibinigay nito sa magaling na singer. Isang memorable experience na ibabaon niya sa kanyang puso na minsan nakasama niya ang international singing sensation. Hindi naman kaya dumating ‘yung point na magbago ang pag-uugali ng magaling na singer na si KZ?
“Hindi po siguro, magbabago lang ‘yung persona-lity ko pero ‘yung pag-uugali at pakikipag-kapwa tao, hindi po. Palagi kong iisipin kahit sumikat na po ako, nakaapak pa rin ang paa ko sa lupa. Sa tingin ko po, napa-kaimportante sa industry na ito ang pakikisama sa mga tao. Maging professional at mahalin ang trabaho. Minsan lang po tayo bibigyan ng ganitong klaseng opportunity, mahalin na po natin,” pahayag ni Ms. KZ Tandingan.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield