HINDI naging balakid sa tinaguriang Singing Idol na si L.A. Santos ang naging karamdaman niya noong bata pa lang, ang pagkakaroon niya ng sakit na autism. Pero ngayon, certified recording artist na siya under Star Music.
Kahapon, March 28, matagumpay na ini-launch ang debut album ni L.A. na ginanap sa Oriental Palace sa Tomas Morato Ave., Quezon City. Siyempre, present ang buong pamilya niya sa pangunguna ng kanyang very supportive at lovable Mommy Flor, kasama si Daddy Ron at ang dalawang kapatid na sina Kanisha at Kankille, at ang buong angkan ng Brioso-Santos.
Nagbigay ng sample songs si L.A. Isa sa kinanta niya ay ang “When I Was Your Man” ni Bruno Mars, na talaga namang binigyan niya ng bagong panlasa na may tatak ng Singing Idol. Kaya ngayon pa lang, tiyak na maghi-hit ang nasabing album ng aming anak-anakan. Bukod kasi sa magaganda ang song line-up niya, may ibang karisma si L.A. na tiyak na mamahalin ng masa at supporters niya.
Ilan sa mga nakapaloob sa album ni L.A. ang mga kantang “Miss Terror”, “Mine”, “Ikaw Kasi”, “Bakit Ang Pag-ibig”, “Hanggang Kailan” (ni Angeline Quinto), “When I Was Your Man” (ni Bruno Mars), “Forever’s Not Enough” (ni Sarah Geronimo) ka-duet ang kanyang magandang sister na si Kanisha Santos, “One Greatest Love”, at “Tinamaan”.
Nagpapasalamat naman ang ating Singing Idol sa mga mahuhusay niyang composer na sina Joel Mendoza (composer/ line producer ng album), Garry Cruz, at Garth Garcia, ganu’n din kay Jonathan Manalo ng Star Music na very supportive.
Malayo na nga ang narating ng aming anak-anakang si L.A. Mula sa simple at mahiyahin, ngayon ay ganap nang recording artist. Sana suporthan pa natin siya dahil may malaking puwang siya sa music industry. ‘Yun nah!