Pumirma kamakailan ng kontrata ang very promising na singer na si LA Santos sa Star Music. Sinaksihan ito ng kanyang inang si Ms. Flor Santos, ang album producer/composer na si Joel Mendoza, at executives ng Star Music na sina Jonathan Manalo and Atty. Marivic Benedicto.
Tinaguriang ‘The Boy Next Door’, si LA ay naging bahagi ng maraming concerts, kabilang dito ang pagiging front act sa mga world-renowned group tulad ng The Stylistics at Air Supply.
Pinuri ni Jonathan si LA at sinabing pang-Star Music ang talent nito. “Si LA ay bata pa at ang boses niya ay may distinct style. So, very promising, napaka-versatile niya dahil kaya niyang mag-tackle ng ballad at up-beat na song. Tapos ay interesting din ang personality ni LA, kaya masasabi ko na Star Music material si LA.”
Ano ang feeling mo na Star Music artist ka na? “Of course po, it feels very good po. And I know na marami pa rin po akong magagawa to improve myself as a person and as an artist po,” nakangiting saad ni LA.
Dagdag pa niya, “Masarap po sa feeling at siyempre ay nakapa-proud din po na magtiwala sila sa akin. Happy po ako dahil nakita kong naging happy ang mommy ko at ang mga taong involved dito.
“Parang feel ko po ay blessed talaga ako and of course alam ko sa sarili ko na umpisa pa lang ito at marami pa akong dapat na gawin. Siyempre, wala pa talaga ako roon, pero I will always do my best po. And I hope you will look soon sa future projects ko po at sa album ko,” saad ng binatilyo na kasalukuyang Grade 10 sa UST.
Sixteen years old na si LA at showbiz crush niya si Janella Salvador. Nag-request nga siyang maka-duet sa album si Janella, pero hindi raw tumugma ang hectic na schedule ng Kapamilya actress. Nagustuhan daw ni LA si Janella mula nang napanood niya ang dalaga sa “Haunted Mansion”.
Ano ang reaction niya na finally ay may album na ang kanyang anak?
Sagot ni Mommy Flor, “I’m the happiest mom on earth! Hindi ko ma-imagine na ‘yung simple dreams naming mag-ina, that he sings on stage, ay magiging totoo. He is just a happy boy who loves to sing anyting without memorizing the lyrics. Pero feel ko, music talaga ang ginagalawan niya, kasi he sings from the heart. Feel na feel mo ‘pag love song at mapadya-jamming ka naman ‘pag RNB or Pop ang kinakanta niya.
“I thank God for His gift for my son, we will do our best to cherish and explore His gift and make sure that it will be used as a tool to inspire others.”
Ang ilan sa cuts sa album ni LA ay ang “Mine”, “Ms. Terror”, “One Greatest Love”, “Break-Up Day”, at iba pa. Kasali rin dito ang “When I Was Your Man| ni Bruno Mars na orchestra ang nag-akompanya kay LA, “Hanggang Kailan” ni Angeline Quinto at “Forever is Not Enough”, ka-duet ng younger sister niyang si Kanishia Santos na isa pang napakahusay rin sa kantahan.
Right now, naghahanda na rin si LA dahil isa siya sa mapalad na nakalusot sa out of 5,000 na nag-audition sa “I-Pop Hollywood”. Kaya sa January 16-21, 2017 ay sasabak siya sa boot camp nito sa Los Angeles, California. Si Ariana Grande at ang ilang Asian casts ng “High School Musical” ay ilan sa produkto ng “I-Pop Hollywood”.
Nonie’s Niche
by Nonie V. Nicasio