IKINAGULAT NG press people nang awitin ni Laarni Lozada ang “Rolling In The Deep” ni Adele sa The Crowd Bar kamakailan lang. Mas maganda pa ang version ng Pinoy Dream Academy Grand Champion kaysa sa original. Palibhasa favorite song ito ni Mercy Lejarde (kafatid sa panulat), walang arteng sumayaw ito sa harap ng madlang pipol ka-join si Madam Joy Sison (Joy For All Seasons).
Mas matindi ngayon ang boses ni Laarni, kahit gaano kataas ang note kaya niyang abutin. Parang wala lang kapag siya ang kumanta. Sabi nga namin, kung ngayon sumali ang dalaga sa The Voice, siguradong pasok ito sa audition at puwedeng maging grand winner.
Kahit wala nang kontrata si Laarni sa ABS-CBN at Backroom, patuloy pa rin siyang binibigyan ng project ng Kapamilya Network. Katunayan nga, ang magaling na singer ang kumanta ng theme song ng fantaseryeng Galema at inawit niya ito sa amin. Bukod dito, kasama rin siya sa mga US tour ng Star Magic artists abroad.
Happy si Laarni sa magandang nangyayari sa kanyang singing career. As a singer, very confident na nga siya kung mag-perform on stage. Marunong na itong makipag-communicate sa audience. Wala na ‘yung kaba factor tuwing nasa stage ito.
“Malaki ang naitulong ng The Crowd Bar sa akin. Naging training ground ko para lalo ko pang i-improve ang craft ko as a singer. Relax na nga akong mag-perform sa maraming tao. Natuto na rin akong mag-host, mag-interview ng mga guests na gustong kumanta on stage,” pagmamalaking kuwento ni Laarni.
Regular performer si Double L, every Friday together with Richard Villanueva.
HANGGANG NGAYON ay pinagtatalunan kung ang My Little Bossing ni Vic Sotto o ang GBBT ni Vice-Ganda ang number 1 sa takilya sa nakaraang MMFF 2013. Ayon sa report ng MMDA, ang pelikula raw ni Vic ang talagang top-grosser, pangalawa lamang ang GBBT. Pero sa record ng mga sinehan, lumalabas na ang movie ni Vice-Ganda ang nangunguna sa pinakamalaking kinita sa takilya sa festival.
Ang nakakaloka, ang MLB na nga ang tinanghal na number one top-grosser sa awards night ng MMFF. Gusto pa rin nilang hanggang sa last showing ng pelikula nila ay sila pa rin ang winner, hindi naman ‘yun ang nangyari, hindi nila na-maintain ang pagiging number 1.
May balita nga, hindi raw makapayag ang kampo nina Vic at Kris Aquino na pangalawa lamang sila sa GBBT kaya nagpa-interview ang TV host/comedian sa Startalk na kanilang homestudio (GMA-7) para linawin ang tungkol sa issue this Saturday.
Nagkibit-balikat lamang ang grupo nina Vice at Direk Wenn Deramas dahil alam nila ang totoo. Hindi na raw dapat pang sagutin ang intrigang ito dahil lalabas din naman ang katotohanan kung aling pelikula ang totoong top-grosser. Ang mahalaga, milyones ang kinita ng Star Cinema at Viva Films at magpa-hanggang ngayon, patuloy na tinatangkilik ang GBBT ng publiko.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield