Labag sa Batas ang Pakikiapid

Dear Atty. Acosta,

MAYROON AKONG nob-yo na isang Amerikano. Siya ay ikinasal sa kanyang asawang Pilipina noong taong 2008. Subalit naging magulo ang kanilang pagsasama dalawang buwan matapos silang ikasal, dahil nalaman ng aking nobyo na mayroon nang ibang karelasyon ang kanyang asawa sa isa ring banyaga. Naghain ng divorce ang aking nobyo sa Amerika ngunit hindi pa ito tapos. Maaari ba niyang magamit iyon dito sa Pilipinas kung sakaling ipagkaloob ang kanilang diborsyo sa Amerika? Mayroon na rin po kasi kaming plano na magpakasal.

Gumagalang,

Jacklyn

Dear Jacklyn,

MADALAS KAMING nakakatanggap ng liham na tumatalakay sa pagkakaroon ng relasyon ng isang lalaki o babaeng mayroon nang asawa. Nais po naming bigyang-diin na ito ay labag sa ating batas at hindi maaaring gawin ng sinuman.

Katulad ng iyong hinaharap na sitwasyon, ikaw ay mayroong nobyo na kasal pa sa kanyang asawang Pilipino. Marahil ikaw ay mayroong tamang kaalaman na mali ang pinasok mong sitwasyon. Maka-kabuti kung inyong wawakasan ang inyong relasyon sapagkat kailangan ninyong pahalagahan ang sakramento ng kasal sa pagitan ng iyong nobyo at ng kanyang asawa. Kung kayo ay totoong para sa isa’t isa, maiging ayusin muna ng iyong nobyo ang kanyang pakikipag-hiwalay sa kanyang asawa bago kayo sumuong sa pagkakaroon ng relasyon. Kinikilala ng ating batas ang karapatan ng isang banyaga na makipaghiwalay sa kanyang asawang Pilipino sa pamamagitan ng divorce, at kaakibat nito ang pagkilala sa kanilang karapatan na makapag-pakasal muli kung ipagkakaloob ito sa kanya ng hukuman kung saan inihain ang petisyon ng pakikipagdiborsyo. Ayon sa Artikulo 26 ng Family Code of the Philippines, “x x x (2) Where a marriage between a Filipino citizen and a foreigner is validly celebrated and a divorce is thereafter validly obtained abroad by the alien spouse capacitating him or her to remarry, the Filipino spouse shall have capacity to remarry under Philippine law.” Dahil nakapaghain na ng petisyon ng pakikipagdeborsyo ang iyong nobyo, kailangan na lamang niyang hintayin ang magiging kautusan ng hukuman sa Amerika. Hanggang wala pang ipinapalabas na kautusan ukol dito ay hindi kayo maaaring magkaroon ng relasyon o magpakasal.

Tandaan na ang divorce decree na dapat ipagkaloob sa kanya ay legal at balido bago ito tanggapin at kilalanin dito sa Pilipinas, subalit hindi natatapos ang proseso sa pagkuha lamang ng divorce decree. Upang makapagpakasal ang isang banyaga rito sa Pilipinas, katulad ng iyong nobyo, ay kailangan niyang kumuha ng certificate of legal capacity mula sa embahada ng kanyang bansa rito sa Pilipinas. Ito ang kanyang ipipresenta sa local civil registrar ng lugar kung saan ka o siya nakatira upang makakuha kayo ng marriage license na inyong gagamitin sa inyong pagpapakasal. Karagdagan dito ay kailangan niya ring magsumite sa nasabing local civil registrar ng judicial decree of the absolute divorce kaugnay ng pagpapawalang-bisa ng kanyang naunang kasal. (Artikulo 13, id)

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibi-nigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Malugod namin kayong inaanyayahan na manuod ng mediation on air “Public Atorni:Asunto o Areglo” sa TV 5 mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na alas-2:00 ng hapon.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleMayor Erap
Next articleSumbong at Reaksyon

No posts to display