#PUSO, ‘YAN ang salitang buong galak na binibitawan ng mga Pilipino kapag laban ng Gilas ang pinag-uusapan. Pero nakatutuwang isipin na maski mga dugong banyaga ay nakikiisa sa laban ng Gilas kasama ang buong Pilipinas sa FIBA Basketball World Cup.
Kahit nabigo sa nakaraang basketball games ang Gilas kontra Croatia at Argentina, nakuha naman nila ang simpatiya at suporta ng buong mundo. Marami ang napabilib ng Gilas sa kanilang ipinamalas na angking galing sa court.
Sa kanilang laban kontra Croatia, ang Gilas ay nabigong makasungkit ng panalo sa iskor na 78 – 81. Pero hindi naman biro ang larong ito dahil nag-overtime pa. Ibig sabihin, ganoon ka-intense ang laban.
Alam n’yo ba na maging ang organizers ng FIBA World Cup Tournament ay binansagan ang Croatia vs Philippines basketball game bilang pinaka-intense na laro simula nang nagsimula ang tournament sa Spain. Mas kinapanabikan pa nga ang labang ito kaysa sa mga basketball game na may line-up ng star-studded NBA players.
Si Andre Blatche, miyembro ng Gilas ay nakagawa ng 28 na malalaking puntos at 12 na rebounds sa nasabing laro. May pag-asa pa sanang mag-double overtime nu’ng huli kung naitawag lamang ng referee ‘yung pagkaka-‘hit’ kay Jayson Castro sa kanyang triple attempt sa buzzer.
Maraming Pinoy fans ang ikinagalit ang hindi pagbibigay ng call ng referee sa pangyayaring iyon. Kahit ang sikat na NBA writer na si Zache Lowe ng Grantland, sinabi na foul iyon at dapat iyon ay natawag ng referee.
Marami na rin ang nakapansin sa galing ng Gilas. Kasama rito ang isang sikat na blog na base sa Philadelphia, ang SB Nation’s Liberty Ballers. Ito ang mismong sinabi ni Sean O’ Connor, “Despite watching for Saric, I became a fan of the Philippines while watching the game. It was hard not to: with a bunch of guys the size of J.J. Barea surrounding Blatche, launching threes and trying really hard with a very passionate crowd entirely in their favor, you knew who the underdogs were. Given that, and given how many awful shots Blatche attempted during the game, it’s a surprise they were even in the game. Croatia let them stay close, and the Filipinos nearly pulled it off.”
Kitang-kita naman ang kanyang paghanga sa galing ng Gilas. Dagdag pa niya, ang laban ng Croatia at Pilipinas ay nagsilbing wake-up call sa Croatia na dagdagan pa ang galing at lakas na kanilang ipinamamalas dahil sa sobrang dikit ng laban nila sa Pilipinas na para bang isang pagkakamali lang, maaari pang maging sanhi ng kanilang pagkatalo.
Kahit pa natikman na naman ng Gilas ang pagkatalo laban sa Argentina nitong nakaraan lamang, mas lalong dumarami ang humahanga at sumusuporta sa Gilas. Hindi malayong mangyari na sa susunod na World Cup, masungkit na ng Pilipinas ang korona basta ba buong #PUSO tayong lalaban.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo