LUMIPAD NA si People’s Champ Manny Pacquiao sa Estados Unidos para paghandaan ang nalalapit nitong laban sa buwan ng Abril para sa isang rematch kay Timothy Bradley. Matatandaang ito ang unang pagkatalo ni Pacman pagkatapos ng sunud-sunod na mga panalo nito sa mahabang panahon. Dito rin umalagwa at sumikat nang husto si Manny sa buong mundo, sabay ng kanyang pagyaman.
Siguro ay masasabi nating dito siya inabot ng malas at pananamlay sa kanyang karera bilang isang professional boxer. Nagsabay-sabay na rin kasi sa mga panahong ito ang iba’t ibang pinagkaabalahan ni Manny gaya ng pulitika at showbiz.
Handa na nga ba si Pacman na ibangon ang bumagsak nitong karera dahil sa pagkatalong nakuha kay Bradley?
Ang edad ay isang factor na hindi natin maaaring balewalain. Simula noong laban na ‘yun ay umedad pa si Manny ng mahigit dalawang taon. Isang factor din ang naging laban ni Bradley at Marquez, kung saan ay malinaw na tinalo ni Bradley si Marquez sa isang unanimous decision fight. Si Marquez naman ang siyang nagpatulog kay Manny pagkatapos din lang ng pagkatalo ni Manny kay Bradley.
Sa isang banda ay may bigat din ang puntong nagkaroon lang ng “plateau” ang karera ni Manny sa boxing at naging kontrobersyal din ang split decision na sa kalaunan ay pumabor kay Manny pagkatapos ma-review ang laban ng mga boxing analyst sa ibang bansa.
Sa huling laban ni Manny ay ipinakita nito na nagbalik na ang dating lakas at bilis niya sa ring. Naibangon na nga kaya ni Manny ang kanyang sarili?
Ang laban ni Pacman ay itinuturing na laban ng bayan. Tumitigil ang araw ng mga Pilipino sa araw ng laban ni Pacman dahil ang lahat ay inaantabayanan ito.
Ang laban na ito ay laban sa kinabukasan para kay Manny. Kung mananalo siya ay malaking bagay ito, hindi lamang sa karera niya bilang boxer kundi pati na rin bilang politiko. Maaaring ang pagkapanalo niya ang magdagdag sa kanyang kasikatan na magdadala sa kanya sa Senado sa darating na eleksyon.
MAY ISA pang pinaghahandaan ang mga Pinoy na mahilig sa sports. Ito ang nalalapit na laban ng Gilas Pilipinas sa bansang Spain. Matatandaang ipinakita ng basketball team na ito ang kanilang galing ng lumaban ito sa championship ng FIBA Asia nitong nakaraang taon lang at masungkit ang silver medal.
Ang kanilang laban sa FIBA world sa Spain ay magiging daan nila para makapasok sa darating na Olypics na gagawin sa Japan. Kung magkakataon ay magkakaroon tayo ng unang koponan ng manlalarong Pinoy sa larangan ng basketball sa Olympics.
Kaya lang hindi pa nabubuo ang team sa labing dalawang kataong manlalaro dahil tumanggi ang dalawang Phil-Am players sa paanyaya ng Gilas Pilipinas coach na si Chot Reyes. Nais umano ng dalawa na ang original na 12-man team ang maglaro sa Spain.
Hindi ako kumbinsido sa dahilang ito ng mga Phil-Am player na mukhang may kayabangan sa sarili. Para sa akin ay pera-pera lang ‘yan. Malamang ay mababawasan ang kita ng mga ito mula sa paglalaro sa kanilang mga sponsored teams.
Bakit ba pinapayagan pa maglaro sa PBA ang mga Phil-Am na ito samantalang halos walang bahid ng pagka-Pinoy ang itsura nila. Ang pag-iisip at pananalita ay banyagang-banyaga. Lumalabas na ginagatasan lang nila ang PBA dahil sa ‘Pinas ay llamado sila sa tangkad at pangangatawan.
Ang malungkot nito ay nawawalan ng oportinidad ang mga purong Pinoy dahil halos mga Phil-Am players na ang mapapanood mo ngayon sa PBA. Minsan ay nakakawalang-gana na manood dahil kung foreign players lang ang gusto nating panoorin, sa NBA games na tayo tututok.
Ngayong kailangan ng bayan ang kanilang serbisyo ay ayaw naman nilang maglaro para sa bayan. Ang habol nila ay pera at katanyagan lang dito sa ‘Pinas. Parang nahihiya naman silang irepresenta ang mga Pinoy sa isang international game. Ang gusto ng mga ito ay sila lang ang makinabang sa Pilipinas at ayaw maglingkod para sa ating bayan.
Dapat siguro ay usisain nila nang maigi ang mga patakaran sa PBA hinggil sa mga alituntunin ng pagpapalaro ng mga Phil-Am player. Dapat siguro ay bigyan sila ng tungkulin na magsilbi sa bayan bilang kapalit ng kanilang pribilehiyong makapagtrabaho rito bilang mga basketball player. At kapag may ganitong tawag ng serbisyo para maglaro sa bayan ay pagmultahin sila kung hindi sila tutugon sa serbisyong ito.
Ang laban ng team Gilas Pilipinas ay laban ng ating bayan. Ang laban sa karapatan at pribilehiyo na makapaglaro rito ang mga Phil-Am ay laban sa kinabukasan ng ating mga kababayan na purong Pinoy sa isip, salita at sa gawa.
MATAPOS ANG matagumpay na pagpapakita ni Micheal Martinez ng kakayahan ng isang tunay na Pilipino na mag-ice skating sa nagtapos na Winter Olympics ay muli sana itong lalaban sa isa pang international figure skating competition.
Sa kasamaang palad ay nagkaroon ng hindi magandang kondisyon ang ating manlalaro dala ng pagod at pagkakaroon ng hika. Malaking factor din ang sobrang lamig at kakulangan sa pondo para magkaroon siya ng magandang pagsasanay.
Dito talaga tayo nahuhuli sa ibang bansa kapag ang pinag-uusapan ay aspeto ng training. Dahil hindi sapat ang pondo ng ating manlalaro ay nagtitiis na lamang ito sa kung ano ang mayroon at kinakaya ang lahat dahil sa determinasyon.
Ang problema ay hindi talaga puwedeng daanin na lang ang lahat sa determinasyon. Mahalaga ang ginagampanan ng “science” sa training ng mga manlalaro. Kung walang pondo para magkaroon ng magandang pagsasanay ang ating mga manlalaro ay talagang mahuhuli ang mga ito mga manlalarong banyaga.
Panahon na para magkaroon ng tunay na reporma sa Philippine Sports Commission. Baka puwedeng silipin ng ating mga mambabatas ang aspetong ito at huwag magpatali sa iilang isyu na lagi na lang nilang pinag-uusapan.
Mahalaga ang sports at marami tayong mga kababayan na may angking galing na pang-international ang kalibre. Huwag nating sayangin ito. Dapat kumilos ang ating gobyerno sa isyung ito.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo