TATLONG REKLAMO ANG natanggap namin tungkol sa human trafficking na isinasagawa umano ng assistant labor attache natin sa Kuwait na si Ofelia Castro Hudson.
Ayon sa mga nilagdaang affidavit ng mga biktimang OFW, sila ay nagkakanlong sa halfway house o refugee center ng OWWA sa Kuwait. At habang sila ay nandoon, sila ay ibinebenta ni Hudson sa mga bagong employer. Kapag naipasok sila sa trabaho, tumatanggap ng suhol at komisyon si Hudson mula sa mga employer o ahensya. At marami raw ang magpapatunay rito.
Daan-daan na ang napapaulat na ganitong kaso. Kadalasan kasi, tumatakas ang mga Pinay sa mga abusadong amo. Sa kanilang pagtakas, siyempre pa’y wala silang exit visa para makauwi sa Pilipinas dahil kumpiskado ng mga amo nila ang kanilang mga passport. Kaya’t pansamantala silang kinukupkop ng mga embahada o konsulada. At habang sila ay naghihintay na makauwi, sila ay iniaalok ng mga opisyales natin sa iba pang employer. At simula uli iyon ng pagtikim ng mga OFW natin ng pagmaltrato ng mga bago nilang amo.
Nangyayari rin na ang mga Pinay DH natin ay naibubugaw bilang mga prostitute ng mismong mga opisyales natin sa mga embahada at konsulada. Naka-pending ang ganitong mga kaso sa DFA.
Kamakailan pa nga’y ilang opisyales ng POEA ang nakasuhan din ng human trafficking.
Saan tatakbo para humingi ng tulong ang mga OFW gayong ang mismong hihingan nila ng tulong ang bumibiktima sa kanila? At mga kababayan pa natin at suwelduhan ng taumbayan ang mismong sangkot sa human trafficking.
Dapat ang mga ito ang ipinapalit sa mga OFW na binibitay sa ibang bansa! Mas masahol pa ang kanilang krimen kaysa kasalanan ng mga pangkaraniwan nating OFW!
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users) E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo