Pinaghahanap na ng mga otoridad si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa Taiwan o Mainland China matapos siyang ilagay sa immigration watchlist kaugnay ng umano’y partisipasyon niya sa kontrobersiyal na Dacer-Corbito double-murder case.
Naunang naiulat na lumabas daw ng bansa ang senador dalawang araw bago siya mailagay sa immigration watchlist bilang tugon na rin sa imbistigasyong isinasagawa ng Department of Justice. Hongkong ang huling destinasyon ni Lacson na natunton ng awtoridad. Pagkatapos nito, hindi na nila alam kung saan ito pumunta.
Ayon kay Ricardo Diaz, deputy director ng National Bureau of Investigation (NBI), kasalukuyang minamanmanan ng otoridad ang Taiwan at China bilang posibleng pinagtataguan ni Lacson. Kung sakaling positibo ang lead, kakailanganin ng gobyerno na magkaroon ng “extradition treaty” sa Chinese governemnt para sa mabilis na pagbabalik sa bansa ng pinaghahanap na senador.
Samantala, kinukumbinsi raw naman ni NBI Director Nestor Mantaring ang mga abogado ni Lacson na pilitin ang senador na isuko ang sarili. Tinitingnan din daw niyang opsyon ang paglalagay ng patong sa ulo ni Lacson para mapilitan itong sumuko at mapadali ang paghahanap sa kanya.