Maaaring gamitin ng gobyerno ang extradition treaties nito kung ito ang paraan para mapabalik ng bansa si Senador Panfilo “Ping” Lacson.
Ayon kay Justice Secretary Agnes Devanadera, maraming paraan para ibalik sa bansa ang senador na umano’y sangkot sa Dacer-Corbito double murder case. Isa rito ang extradition kung paanong maaaring bumuo ng task force ang gobyerno na siyang makikipagtulungan sa ibang bansa para mai-serve ang warrant of arrest na ilalabas sa kanya.
Dagdag ni Devanadera, maaari ring kanselahin ng gobyerno ang pasaporte ni Lacson nang mai-deport ito bilang isang “undocumented alien.”
Enero 5 pa nang umalis ng bansa si Lacson patungong Hong Kong at sinasabing tumuloy na ito ng Australia. Pinanindigan ng senador na ang pagkakariin sa kanya sa Dacer-Corbito double murder ay bahagi raw ng sabwatan ng Malacañang at ng DoJ.
Pinabulaanan naman ito ni Devanadera at sinabing walang rason si Lacson para magreklamo dahil may legal na proseso namang pinagdaraanan ang imbestigasyon. Hinamon niya si Lacson na harapin at sagutin ang mga akusasyong ibinabato sa kanya nang sa gayun ay marinig ang kanyang depensa.