HINDI lang showbiz personalities at mga natatanging pelikula ang kinikilala ng FAMAS, ang oldest award-giving bodies ng showbiz industry.
Sa kanilang 67th awards night na ginanap sa Meralco Theater kamakailan lang ay ginawaran ng FAMAS si Laguna Governor Ramil Hernandez ng Excellence in Public Service Award.
Dahil ito sa hindi matatawarang dedikasyon niya sa pagpapaunlad ng lalawigan ng Laguna at pagmamalasakit sa mga mamamayang naninirahan dito.
Ani Gov. Ramil, “Isang malaking karangalan po na mapili ang inyong lingkod bilang FAMAS AWARDEE for EXCELLENCE IN PUBLIC SERVICE. Thank you very much po sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences Awards (FAMAS) sa inyong pagkilala at tiwala.
“Ang akin pong taos-pusong pasasalamat sa Diyos, at sa mga taong sumusuporta at nagtitiwala sa akin.
Alay ko rin po ito sa lahat ng aking mga kalalawigan at kasama sa Pamahalaang Panlalawigan.
“Ang FAMAS ay isa sa mga namumukod-tanging film industry award-giving body sa bansa na kinikilala hindi lang ng mga Pilipino kundi pati na rin ng mga taga ibang bansa. May 67 taon ng nagbibigay ng pagkilala ang FAMAS sa mga natatanging alagad ng sining sa pinilakang-tabing o pelikula at may anim na taon na ang nakaraan mula ng isinama sa FAMAS Awards ang pagkilala sa mga natatangi sa serbisyo publiko.
“Muli, maraming salamat FAMAS Awards.”
Si Gov. Ramil ay kasalukuyang tumatakbong gobernador sa Laguna mula sa partido ng PDP Laban.
La Boka
by Leo Bukas