BUMUNGAD AGAD sa ating telebisyon, radyo at dyaryo ang mga hindi magagandang balita. Sa balitang merkado, nariyan ang pagmahal ng persyo ng bawang. Biruin mo ‘yon, ang kaliit-liit na bawang ay nagkakahalaga na ngayon ng kinse pesos. Pero kahit maliit lamang ito, huwag n’yo namang iismolin dahil walang puwedeng pamalit dito bilang kasangkapan sa kahit anong lulutuin.
Sa balitang transportasyon naman, tumaas na ng singkwenta sentimos ang pamasahe sa jeep. Kahit maliit na halaga lang ito, may dulot itong malaking epekto lalo na sa mga commuter. Nagiging problema rin ng mga jeepney driver ang kawalan ng baryang panukli kaya imbes na P8.50 ang singil, nagiging P9.00 na.
Sa balitang balik-eskuwela naman, siguro hindi na bago sa atin ito, ang pagmahal ng bayad sa matrikula ng mga mag-aaral. Apektadong-apektado rin dito hindi lang ang mga estudyante kundi lalung-lalo na ang kanilang mga magulang na siyang nagpapaaral sa kanila. Siyempre, kinabukasan ang nakataya rito kaya kung hindi na magiging abot-kaya ang matrikula, paano na ang mga kabataan na pag-asa ng bayan?
Mayroon tayong balitang merkado, balitang transportasyon at balitang balik-eskuwela. Dumako naman tayo sa pinakagustong balita ng mga bagets, ang balitang pag-ibig nila. Lahat na nagmamahalan, parang kayo na lang ang hindi?
Kapag ang bagets ang nagmahal, ibang level ‘yan! Siyempre bagets ‘eh, bata, mapusok, mahina ang loob, madaling bumigay. Kaya nga sa murang edad marami na ang nasasaktan.
Mayroong mga bagets diyan ang kapit na kapit sa puppy love nila. Problema nila kung paano maibabalik ang namuong relasyon nila sa kanilang childhood sweetheart.
May mga bagets din diyan na ang pinoproblema ay ang pagdaranas ng ‘seen-zoned’. Ito na siguro ang pinakamasakit na naimbento sa mundo ng Facebook. Siyempre sino ba naman ang hindi masasaktan kapag dinedma ka ng ka-chat mo lalo na kung espesyal siya sa iyo.
Problema rin ng ibang bagets ang kanilang mabilis na magkaroon ng pagtingin. ‘Yung tipong, nagkatinginan at nagkangitian lang, kinilig ka na. Makakatabi mo pa sa jeep o kaya makakasalubong sa daan, feeling mo meant to be na kayo.
Sa mga nabanggit, hindi kaya may mali sa mga bagets? Sila ang problema? Dahil hindi naman talaga problema ang kani-kanilang pinoproblema?
Siguro marahil, ang iba sa inyo ay nagtataka kung ano ang koneksyon ng mga balitang merkado, balitang transportasyon at balitang balik-eskuwela sa balitang pag-ibig. Pero ang totoo kasi niyan, wala naman talagang koneksyon. Ibig sabihin niyan ay wala ring dahilan para problemahin ang balitang pag-ibig n’yo. Kasi maraming mas importanteng bagay ang dapat problemahin at gawan ng solusyon gaya ng mga naunang nabanggit ko. Dahil iyon ay mas makabuluhan at bilang bata pa kayo, marami pa kayong puwedeng maitulong at maiambag sa ating lipunan.
Kaya kung lahat na sa mundo ay nagmamahalan sa aspeto ng halaga ng mga ito, gumawa ng paraan. Maging makabuluhang kabataan. Maging produktibong bagets.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo