KARAMIHAN SA kabataan ngayon ay may problema sa kakulangan sa lakas ng loob o ‘yung tinatawag nating ‘self-confidence’ sa Ingles. Napakahalaga pa naman nito lalo na’t kailangang-kailangan natin ito sa mga pagkakataong gaya ng recitation sa klase, pakikihalubilo sa club o organisasyon, pagpapakita ng talento, pakikipaglaban sa mga patimpalak, paglaro ng sports at marami pang iba. Nakalulungkot lang dahil bata pa lamang tayo, nauubusan na agad tayo ng lakas ng loob. Kung tutuusin, dapat kabaliktaran ang mangyayari na habang bata pa tayo dapat mayroong lakas ng loob at tibay ng dibdib!
Paano nga ba tayo makaiipon ng lakas ng loob? Kung iniisip n’yo na ito ay ‘inborn’ o ‘yung mayroon na tayong lakas ng loob pagkapanganak sa atin, nagkakamali kayo dahil ang ‘self-confidence’ ay natututunan. Kinakailangan lang sundin ang aking tips na ibibigay.
1. “Kaya ko ‘to!” versus “Kaya ko ba ‘to?”
Malamang sa malamang sa dalawang nabanggit, ang una ang inyong laging ginagawa. ‘Yun ay isang malaking mali. Sanayin mo ang sarili mo na ginagawa mong patanong ang iyong mga gagawin dahil ang epekto nito sa iyo ay ikaw ay natsa-challenge. Kaya, ikaw ay mamo-motivate upang gawin ang lahat ng iyong makakaya upang maipakita mo ang tamang sagot sa sarili mo. Hindi sapat ang sinasabi mo agad sa sarili mo na kaya mo kung sa katotohanan naman talaga ay hindi mo pa ito nagagawa. Mas epektibo kung ito ay isinasagawa mo muna.
2. ‘Di nakakabuti ang sobra-sobrang pag-iisip ng mga negatibong bagay
Sakit ng mga kabataan ngayon ay ‘yung nag-iisip na ng kung anu-ano, wala pa ngang nangyayari. Sa madaling salita mahilig mag-‘overthink’ ang mga bagets ngayon. Ang masyadong pag-iisip ng mga bagay-bagay o pangyayari ay nakababawas lang ng lakas ng loob. Kaya mga ate, mga kuya, huwag masyadong nega at assuming! Pinahihirapan n’yo lang ang sarili n’yo.
3. Huwag ikumpara ang sarili sa iba
Nakababawas nga naman ng lakas ng loob kung kinukumpara mo ang sarili mo sa iba. Lalo na kung ikaw mismo ay walang tiwala sa sarili mo. Paano na lang? Ang nag-iisang patakaran lang dito ay wala ka nang dapat ikumpara sa sarili mo maliban lang sa sarili mo.
4. Do the “power pose!”
Bago ka sumabak sa matinding bakbakan halimbawa na lang ng madugong recitation sa klase o pag-perform sa harap ng maraming tao, gawin muna ang sinasabing “power pose”. Simple lang ito, kilala sa pose na ito si Darna at Superman. Sa isang salamin sa C.R. ng paaralan, gawin ang sinasabing pose at huminga nang malalalim. Hindi ako nagbibiro dahil sa isang pag-aaral sa ibang bansa, ito ay napatunayan upang epektibong pamamaraan upang makaipon ng lakas ng loob.
5. Practice, practice din
Sa buhay ng mga kilala nating atleta, ang 99% ay kanilang inilalaan sa pag-eensayo kahit alam nilang sa tunay na pangyayari, 1% lang ang nakalaan sa totoong laban o kompetisyon. Sa ikalawang banda naman, sa buhay ng mga bagets, kabaliktaran ang nangyayari. Ang hilig nating sumabak sa kahit anong laban nang walang pag-eensayong nagaganap. Kaya nagbibigay lang ito ng hindi magandang resulta sa atin. Ito ang nagbibigay-daan kung bakit sa susunod nating pagharap sa mga iba pang hamon ay wala na tayong lakas ng loob. Paano ba naman, wala ka pa ngang naiipon, inubos mo na. Negative ka pa nga.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo