NAGING USAP-USAPAN ang kalusugan ni Pangulong Noynoy Aquino nitong nakaraang Lingo dahil sa kumalat na balita hinggil sa pag-collapse umano ng Pangulo. Maraming nagsasabing may malubhang sakit ito dahil malimit na napapansin ang kanyang pag-ubo sa tuwing nagbibigay ito ng talumpati. Kilala ang Pangulo sa pagiging malakas nitong manigarilyo kaya hindi naman kataka-taka na mag-isip nang ganito ang mga tao at kritiko ni PNoy.
Ang pagpasa ng Sin Tax Law ay pagpapataw ng mas malaking buwis sa mga bilihing gaya ng sigarilyo at alak. Ito ay paraan ng pamahalaan, sa pangunguna ng Department of Health, para pigilan ang mga taong mahilig magbisyo nang labis. Napatunayan na kasi sa mga pagsasaliksik ng mga ekspertong doktor na mataas ang porsyento na magkasakit ang isang taong malakas manigarilyo o uminom ng alak. Isang “irony” nga kung tutuusin na sa panahon ni PNoy, isang pangulong malakas manigarilyo, naisa-batas ang Sin Tax Law.
Mahalaga na ingatan ang kalusugan ng isang pangulo dahil siya ang masasabing pinakamahalagang tao sa Pilipinas. Ang gobyerno ay gumugugol ng malaking pera para sa kaligtasan ng Pangulo. Ang security ng pangulo ay hindi basta-basta kaya malaking pondo ang inilalaan para rito. Mamahaling sasakyan na bomb at bullet proof halimbawa ang mga ginagastusan ng pamahalaan, na siyempre ay galing sa mga buwis na ibinabayad natin, kaya naman mahalaga na matiyak ang kalusugan ng Pangulo. Kaya naman, inaasahan din natin ang Pangulo mismo na ingatan ang kanyang sarili, gaya ng pag-iwas sa mga bisyo ng paninigarilyo at alak.
MAY MGA pangulo at opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na namatay sa panahon ng kanilang panunungkulan. Naging dagok at suliranin din sa bansa ang paghahanap ng kapalit nila. Ibig sabihin ay negatibo ito para sa kapakanan ng buong bansa. Si President Manuel L. Quezon ay kasalukuyang pangulo ng Pilipinas noong kasagsagan ng ikalawang digmaang pandaigdig nang namatay siya sa sakit na tuberculosis. Isang exile government ang nilisan ni Pangulong Quezon kaya naman lalong nahirapan ang Pilipinas noong panahon ng giyera.
Bagong republika rin lamang ang Pilipinas nang biglaang namatay si President Manuel Roxas dahil sa atake sa puso. Halos dalawang taon pa lang siya sa pagiging pangulo nang bigla itong namatay. Marami pa sana siyang naipatupad kung hindi siya namatay agad. Ganoon din ang sinapit ni Pangulong Ramon Magsaysay nang sa ikatlong taon niyang pagiging isang sikat sa masa na pangulo ay pumanaw siya sa isang aksidente. Bumagsak ang eroplanong sinasakyan niya patungong Cebu. Kung hindi siya namatay ay marami rin sana siyang mga programang pang-mahirap na nailunsad pa.
Si Senator Renato Cayetano na ama nina Sen. Pia at Allan Cayetano ay namatay rin habang siya ay senador dahil sa cancer. Si Pangulong Ferdinand Marcos ay nagkaroon ng sakit na Lupus, isang sakit na walang gamot, kung saan ay unti-unting nasisira ang mga vital organ ng katawan ng tao. Sa panahong nililibing si Ninoy at kasagsagan ng protesta sa kalsada ng EDSA noong 1983, kasabay nito ay isinasagawa ang isang kidney transplant para kay pangulong Marcos noon.
KAHIT NA itinatanggi ng Palasyo ang usap-usapang may sakit si Pangulong Aquino, mabuti na maglabas sila ng isang medical bulletin na magpapaalam sa mga tao ng tunay niyang kalagayan. Ang lakas ba ni PNoy ay sapat pa para maitawid ang nalalabing panahon ng kanyang termino o mananatiling palaisipan para sa mga Pilipino ang lakas ni PNoy.
May isa pang hamon sa lakas na ito ng Pangulo at ito ang lakas ng kanyang impluwensya para sa darating na eleksyon sa 2016. Ang mga pagbagsak ng numero sa trust at performance rating ng Pangulong ay lubhang nakaaapekto sa kapangyarihan ng kanyang impluwensya sa pagpili ng papalit sa kanya. Napakahalaga ng pag-endorso ng isang Pangulo para sa isang kakandidatong presidente sa 2016.
Si President Fidel Ramos ay nanalo, dulot na rin ng kapangyarihan ng pag-endorso ni Pangulong Corazon Aquino sa kanya. Bukod sa hatak ng mga supporters noon ni Cory ay makinarya ng politika ang usapin dito. Malaking bagay talaga ang pag-endorso lalo at maimpluwensya pa rin ang Pangulo. Ngunit iba ang tadhana para sa ginawang pag-endorso ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Tila naging pabigat pa ang pag-endorso ni Arroyo at pagdikit ng kandidato sa kanya. Ang galit ng mga tao kay Arroyo ay nailipat sa kandidatong sinuportahan niya. Ang resulta ay malayong nilalampaso ni PNoy ang kalaban sa eleksyon noong 2010.
MARAHIL AY rito sa puntong maililipat ang galit ng tao sa pangulong nag-iendorso sa isang kandidato nanggagaling ang pananaw na mahina na si PNoy. Wala nang lakas ang pag-endorsong gagawin niya dahil basa na ang papel niya sa masa. Parang maihahalintulad na rin ang negatibong epekto ng pag-iendorso ni Pangulong Aquino sa isang kandidato, gaya ng sinapit ng nakaraang administrasyon.
Halos naubos ang mga kaalyado ni Arroyo sa Kongreso at Senado. Kaya marami noon ang naglundagan sa tila lumulubog na barko ni Arroyo. Sa tuwid na daan ni PNoy na sinasabing baluktot at maraming problema, mayroon kayang mangingibang-landas na kaalyado nito? Tuluyan na nga bang nawala ang lakas ni Pnoy?
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-8788536 at 0917-7926833.
Shooting Range
Raffy Tulfo