KAPAG SINABING Disyembre, year-end, holiday season, ano ang papasok sa isipan mo? Siyempre Christmas bonus! Kung minsan pa nga para sa iba na nagtatrabaho na, kasunod na nito ang 13 month pay. Kaya nga tuwang-tuwa ang mga bagets kapag panahon ng Pasko dahil ito ang panahon kung kailan nai-spoiled sila nila mommy at daddy! ‘Yung tipong nakakaluwag sila kaya puwedeng-puwede nilang mabili mga gusto nila at puwede rin silang makapag-shopping para sa sarili nila.
Kaya naman maganda ang pasok sa isa pang pinakahihintay ng mga tao lalo na ng mga kabataan sa panahon ng Pasko. Ito ay ang SALE sa halos lahat ng pamilihan sa bansa! Kahit saan ka yata tumingin, sa bawat sulok, may makikita kang mga karatula na naglalaman ng tungkol sa SALE sa mga bilihin.
Kung gusto mong makamura sa bilihin, pero ayaw mong makipagsiksikan sa 168 Mall o 999 Mall ng Divisoria, walang problema diyan dahil naglipana ang mga samu’t saring Sale Bazaar sa bansa.
13th World Bazaar Festival. Ito ay gaganapin sa World Trade Center, Pasay City. Sa halagang P50.00 na entrance fee maaari ka nang makapag-shopping all you can mula 12:00 pm hanggang 10:00 pm dahil swak sa budget ang karamihan sa binebenta rito.
Grand Christmas Bazaar. Kung taga-North kayo at ayaw n’yo nang bumiyahe patungong South para habulin ang World Bazaar Festival, sugod na sa Big Tent Don Antonio, Commonwealth para sa Grand Christmas Bazaar. Wala pa itong entrance fee at magbubukas mula 12:00 pm hanggang 11:00 pm.
The Loop Christmas Bazaar. Kung gusto n’yo namang makabili sa mga stores ng iyong paboritong artista, The Loop Christmas Bazaar lang ang solusyon diyan! Ito ay idaraos sa PBB Multi Purpose Hall sa may Timog, Quezon City na magbubukas mula 10am hanggang 10pm. Wala rin itong entrance fee.
Grand Bazaar at the Elements Centris. Mayroon ding Bazaar tungong hilaga at hindi kalayuan mula sa The Loop Christmas Bazaar. Kung hindi naman kayo nakuntento sa pagsi-shopping doon, punta na sa kapitbahay nitong Grand Bazaar sa Elements Centris. Bukas ito mula 11:00 am hanggang 9:00 pm at wala rin itong entrance fee.
Shop @ The Fort. Kung galing ka namang opisina sa Makati o sa BGC, huwag nang mapalayo at diretso na sa NBC Tent, Bonifacio Global City para sa Bazaar na Shop @ The Fort. Bukas ito mula 10:00 am hanggang 7:00 pm na may P50.00 na entrance fee.
Rockwell Holiday Fair. Pero kung nag-over time ka sa trabaho at nasarahan na ng Shop @ The Fort, walang problema diyan dahil ang Rockwell Holiday Fair sa Rockwell Tent ay bukas ng 12:00 pm hanggang 12:00 ng madaling-araw na libre din ang entrance fee.
Kaya mga bagets, ate at kuya ng mga bagets at mga feeling bagets, huwag pahuli sa Christmas Rush Shopping! Magtungo na sa mga nabanggit kong bazaars para makabili ng bagong damit at sapatos na isusuot sa Pasko. Isama n’yo na rin ang mga ipangreregalo sa mga inaanak at kapamilya. Siyempre, huwag ding kalimutan na bilihan ng regalo ang mga magulang bilang pasasalamat sa kanilang mga nagawa para sa iyo.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo