Dear Atty. Acosta,
NAIS KO po sanang humingi ng legal advice kung ano po ang dapat gawin sa lalaking sinungaling at manloloko na sinabing walang asawa at nagbunga ito at tinalikuran ang responsibilidad sa anak at itinatwa pa ito?
Magkasama kami sa trabaho at nagkarelasyon. Una pa lang ay tinanong ko siya kung may asawa siya at sinabi niyang wala. Naniwala ako kasi kahit sa HR namin ay single ang status na nakalagay sa mga dokumento niya. Nagbunga ang aming relasyon. Two months po ang pinagbubuntis ko nang magtapat siya sa akin na may asawa siya. Pagkatapos noon ay nalaman sa trabaho namin ang nangyari at siya rin ang may kagagawan dahil pinagsasabi niya ang aming naging relasyon. Wala na po akong magawa dahil nangyari at tinanggap ko lahat ng kahihiyan na iniwan niya sa akin sa trabaho namin. Pinag-force resignation siya ng opisina dahil sa mga dokumento niyang single ang nakalagay na status.
Nu’ng nanganak po ako, hindi ko pinangalan sa kanya ang bata dahil wala siya roon para i-acknowledge o pirmahan ang birth certificate ng bata. Dumating iyong time na sobrang gipit ako at humingi ako ng tulong sa kanya kahit pambili ng gatas ng bata. Patunayan ko muna raw na siya ang ama at ipa-DNA raw namin ang bata at doon lamang niya matatanggap ang anak niya.
Masakit po sa akin na habang lumalaki ang anak ko ay wala siyang kinikilalang aman na ang totoo ay mayroon naman pero itinatwa siya. Maaari po ba na humingi ako ng sustento sa ama ng anak ko? Ano po ba ang maisasampa kong kaso laban sa kanya at saan ako lalapit?
Maria
Dear Maria,
NAKALULUNGKOT ISIPIN na pagkatapos mong magmahal at ibigay ang iyong sarili sa iyong mahal ay lolokohin ka lang at ang masaklap pa, pati ang bunga ng inyong pagmamahalan ay itinatatwa. Gayunpaman, wala kaming nakikitang maaari mong ikaso sa iyong dating boyfriend dahil sa panloloko at pagsisinungaling niya sa iyo na siya ay walang asawa para lamang tanggapin mo ang kanyang pagmamahal. Ganoon pa man, maaari mo siyang kasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 9262 o ang tinatawag na Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 dahil sa pagsasabi niya sa inyong opisina tungkol sa inyong relasyon na nagdulot sa iyo ng lubos na kahihiyan at pasakit. Ito ay masasabing isang psychological abuse. Ang Section 5(i) ng nasabing batas ay nagsasaad na:
“SECTION 5. Acts of Violence Against Women and Their Children.- The crime of violence against women and their children is committed through any of the following acts:
x x x
(i) Causing mental or emotional anguish, public ridicule or humiliation to the woman or her child, including, but not limited to, repeated verbal and emotional abuse, and denial of financial support or custody of minor children of access to the woman’s child/children.”
Kaugnay naman sa iyong katanungan kung maaari kang humingi ng suporta mula sa ama ng iyong anak, kinakailangan mo munang magsampa ng kasong Action for Recognition and Support sapagkat ayon sa iyo ay itinatatwa niya ang bata. Sabi mo pa ay hindi mo ipinangalan ang bata sa kanyang ama dahil wala naman ito upang pirmahan ang birth certificate ng bata. Samakatuwid, kailangan mo munang patunayan sa hukuman na siya nga ang ama ng bata. Dahil dito, maaaring kailanganing sumailalin sa DNA test ang iyong anak upang mapatunayan mo na siya ay anak ng iyong dating boyfriend. Pagkatapos mong patunayan sa hukuman na siya ang ama ng iyong anak ay maaari mong hingin sa hukuman na utusan ang ama ng iyong anak na kilalanin niya ang inyong anak at magbigay ng karampatang suportang pinansyal sa iyong anak bilang kanyang hindi lehitimong anak.
Sa pagsasampa ng mga nasabing kaso, kailangan mo ng serbisyo ng isang abogado. Kung wala kang kakayahang kumuha ng pribadong abogado, maaari kang sumadya sa aming District o Regional Office na malapit sa lugar kung saan ka nakatira upang matulungan ka ng aming tanggapan (Public Attorney’s Office). Kalimitang matatagpuan ang aming mga District Offices sa Hall of Justice ng bawat bayan.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta