SA NAKARAANG CINEMALAYA 5 sa Cultural Center of the Philippines, naging very visible si Lance Raymundo. Mahirap kasing mag-establish ng pangalan sa indie cinema bilang aktor kung hindi ka pa nakagagawa ng pruweba.
Si Lance ay kasama sa cast ng Nerseri, na nagtamo ng award sa nakaraang Cinemalaya sa kategoryang Best Screenplay. Para mapasama sa finalists ang nabanggit na pelikula, happy na si Lance dito dahil tiyak na marami rin ang makapapansin sa kanya. Naging markado ang pagganap niya rito bilang isang addict.
Walang karanasan sa droga si Lance, pero pinag-aralan niya ang mga kuwento ng ilang nakaranas nang tumikim nito. Mula rito, nag-create din siya ng sarili niyang character. In fairness kay Lance, mas totoo pa ang depiction niya ng isang nag-aadik kaysa sa ginawa ni Piolo Pascual sa indie film na Manila. Hindi naman kailangang ikumpara, pero nagkataon kasing parehong addict ang ginampanan nila. Mas mukhang pinag-aralan ni Lance ang role niya at halatang naiintindihan niya ito nang lubusan.
Marami ang naseseksihan dito kay Lance kahit may pagka-character ang kanyang porma. Hindi siya pang-matinee idol, pero may dating siya na gugustuhing makitang nakahubad. In fact, may gagawin siyang pictorial para sa isang magazine na talagang ikawiwindang ng fans at mga sumusubaybay sa career niya dahil talaga raw very revealing ang gagawin niya rito.
Isang senyal din ito na okey lang sa kanya ang daring roles, lalo sa indie films, na magre-require sa kanya ng ganito. But, it’s a good thing daw, iba’t ibang roles ang natotoka sa kanya. Sa Flingay medyo wholesome siya. Sa Forgotten War ay isang sundalong lumaban sa Korean War ang ginampanan niya.
Sa Fidel, ang launching pad niya as a lead actor, ay masusubukan kung pupuwede nga siya sa daring roles.
PINAKAMASAYA ANG GRUPO ng Astig sa nakaraang Cinemalaya 5. We heard na ito ang itinanghal na topgrosser ng nabanggit na festival, pero sa Dinig Sana Kita napunta ang Audience Choice Awards. Napanalunan nito ang Best Director award para kay GB Sampedro, and this is one of the biggest surprises dahil marami ang nakapansin kay Mike Sandejas na siyang nagdirek ng Dinig Sana Kita na hindi na maipinta ang mukha mula nang mai-announce na si GB ang winner.
Para sa amin, better directed talaga ang Astig. Maganda at very endearing ang Dinig Sana Kita, pero grabe ang hype dito. May pagka-overrated. Pinaka-deserving among the winners ay ang Last Supper No. 3 na siya rin namang itinanghal na Best Picture.
Happy kami kay Arnold Reyes na nagwaging Best Supporting Actor para sa Astig, pero kung alam lang niya, sangkaterbang protesta ang narinig namin. First, nasa lead category talaga si Arnold kaya nagtaka sila kung bakit sa supporting category ito napuwesto.
Nagtaka rin ang iba sa pagwawagi ni Tessie Tomas na nag-share ng lead roles kung tutuusin with Ina Feleo sa Sanglaan, pero win ito sa supporting category. Since the time na napanood namin ang Sanglaan, alam namin na pinaka-deserving si Ina Feleo as Best Actress.
Calm Ever
Archie de Calma