HAYAAN NINYONG BATIIN ko si Sen. Bong Revilla ng isang maligaya at mapayapang kaarawan sa araw na ito. Hindi lang po siya puwedeng isnabin kasi he has been so kind to me all these years, kahit marami nang astig ang nakapaligid sa kanya ngayon. Sadyang hindi siya nakalilimot, tulad din ng mga kapatid ko sa hanap-buhay na kapwa ko September born, sina Jerry Olea, Jun Nardo, Eugene Asis, Bong de Leon, Salve Asis, Butch Roldan, Nap Gutierrez at lalong-lalo na si Donna Villa, (butihing maybahay ng ating National Artist, Carlo J. Caparas) at si Sen. Kiko Pangilinan.
Kasalukuyang nasa entablado si Madam Lani Mercado nang tumawag ang inyong lingkod. Itatanong ko sana kung bakit pa niya tinanggap ang role bilang api-apihang ina ni Iza Calzado sa teleseryeng Kaya Kong Abutin Ang Langit samantalang hindi na siya magkanda-ugaga sa dami ng kanyang responsibilidad.
“Ayaw kasi nila akong tigilan. Tawag sila nang tawag at hindi raw puwedeng tanggihan ko ang role dahil, bagay na bagay raw sa akin. Mahal na mahal nila ako!”
Ang role na tinutukoy ni Lani ay bilang ina ni Iza na sobra-sobra ang paghihirap para lamang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak.
Message sender, hindi iboboto si Noynoy at Mar
MAY MENSAHE ANG e-mail sender nating si Bernadette Lugo na nagbigay pa ng kanyang cel. No. (09292339088) para sa magiging bride ni Sen Mar Roxas. Ganoon din sa bunsong kapatid ni Sen Noynoy Aquino:
“Simpleng maybahay po ako sa edad na 19 anyos at napaiyak po ako nang marinig ko ang interview niya kay Ted Failon kung saan nilait-lait niya si Sen. Kiko Pangilinan. Parang tigre po siya sa bangis ng kanyang pangil, samantalang si Sen. Mar ay hindi lamang malumanay kung magsalita at mapagpakumbaba tulad ng kanyang mga magulang. Sabi ng lolo ko ay ganu’n din ang kanunu-nuan ng angkan nito. Hindi po namin malunok ang mga sinabi niya laban kay Kiko at kung wala lang siya sa radyo, siguradong pagmumura ang itatawag sa lahat ng kanyang mga atake. Nawala ang respeto at paghanga namin sa kanya at nangangamba kami na magkaroon ito ng masamang epekto sa kanyang mapapangasawa. Porke po ba makapangyarihan siya, eh, gagamitin na niya ito? Kawawang-kawawa po si Kiko, at nai-imagine na po namin kung ano ang nararamdaman ng misis niyang si Sharon Cuneta. Sana, matuto siya sa Megastar na nanatiling “cool” sa paggamit ng kanyang pinag-aralan. I swear po, ako at ang lahat ng mga kamag-anak ko rito sa Cagayan de Oro ay hindi na boboto kay Mar kahit ang bait-bait niya. Nakatitiyak po kaming magiging “ander de saya” lang siya sa kanyang future misis. Hindi niya mapipigilan ang bunganga nito. Kadiri rin po ang pag-iyak-iyak niya nang umurong si Mar sa kandidatura niya bilang future president ng bansa. Para siyang mamamatay dahil nawala ang pagkakataong maging future First Lady.
Eto naman pong bunsong kapatid ni Noynoy ay wala ding preno hanggang ngayon kahit sinasabi niyang nakiusap sa kanya ang kuya na i-zipper ang kanyang bibig. Totoo naman pong marami rin ang mga taong ginagawa niyang miserable ang buhay. Kahit sinasabi niyang suportado niya ang kanyang kapatid, hindi rin po namin nakalilimutan na minsan ay sinabi niyang kakandidato siya sa taong 2016 para sa pinakamataas na posisyon sa bayan. Sinabi din niya na kakandidato din ang BFF niyang si Boy Abunda for senator. Hindi po kaya naiinggit siya kay Noynoy dahil naunahan siya nitong kumandidato? Na mauunsyami ang kanyang pangarap? Kapag nanalo kasi ang kuya niya, matuloy pa kaya ang kanyang inaalagaang ambisyon?
Tulad ni Mar, hinding-hindi na rin po namin iboboto si Noynoy. Kung hindi madisiplina ni Noynoy ang kanyang bunsong kapatid, paano niya madidisiplina ang buong bayan? Ganu’n din po si Mar, kung ngayon pa lang ay nao-overshadow siya ng kanyang future misis, hindi kaya ito ang umastang vice-president kapag nasa posisyon na siya?”
BULL Chit!
by Chit Ramos