NAIS KO LANG itanong kung sabit ako sa large-scale illegal recruitment gayong hindi naman ako miyembro ng isang sindikato. Nag-refer lang ako ng mga aplikante sa isang ahensiya na ‘di ko alam na walang lisensiya. At hindi rin naman ako nakinabang kahit isang kusing sa mga naging transaksyon sa recruitment. Pa’no po ito? – Lino ng Cubao, Quezon City
ANG LARGE-SCALE ILLEGAL recruitment ay nangyayari kapag ang mga nabiktima ay tatlo o higit pang katao o grupo. Siyempre pa, mas mabigat ang parusa kapag mas marami ang biktima kaysa kung iisa lang ang biktima. Ang mga biktima ay maaaring indibidwal o grupo.
Hindi kailangang isang sindikato ang nambiktima. Sapat nang marami ang bilang ng mga nabiktima para matawag na large-scale illegal recruitment. Kakaiba naman ang kaso ng illegal recruitment na isinagawa ng isang sindikato. Dito, may isang grupo ang nagsabwatan para mambiktima. Ang grupong ito ang sindikato. Kapag ang recruitment ay isinagawa ng isang sindikato, maaaring isa o kokonti lang ang bilang ng mga biktima.
Sa kaso ng illegal recruitment, hindi rin importante kung nakinabang o hindi ang nambibiktima. Ang ipinagbabawal ay ang paggawa o aksyon mismo ng illegal recruitment. Kumita man o hindi ang recruiter ay hindi na mahalaga para masampahan siya ng kaso.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo