SA LARONG basketball, tuwing uugong ang tunog ng isang malakas na batingaw ay sumisimbulo ito sa huling dalawang minuto ng laro. Sasabayan pa ito ng isang malakas na pag-announce ng “Last 2 minutes!” Gagawin na ng naghahabol na team ang lahat para makakuha ng puntos sa kalabang malayo na ang lamang sa kanila. Halos ganito ang nangyayari ngayon sa ilang mga opisyales na itinalaga ni PNoy sa kanyang administrasyon at gabinete. Naghahabol sila ng kaya pa nilang makuha sa pondo ng bayan.
Maugong na ang usap-usapan na itong pagkakatalaga kay Commissioner Alberto Lina sa Bureau of Customs sa huling taon ni PNoy ang pinakapalpak at garapalan sa pagsasamantala sa posisyon sa gobyerno. Paano mo ba naman ipaliliwanag ang conflict of interest sa isang kaibigan, kabarilan, at kainuman na maging mahinahon sa panloloko sa taong bayan diyan sa mismong opisina na ipinagkatiwala kay Lina.
Alam ng lahat na isa siyang mamumuhunan at nagmamay-ari ng mga kumpanyang may malaking interes sa mga kalakalan sa Customs. Kahit pa sabihin niyang hindi na sasali sa mga isinasagawang biding sa Customs ang mga kumpanya ni Lina, parang nakikipaglokohan lang tayo sa isang pusa na parang si Sylvester na nangangakong hindi niya kakainin ang ibon na si Tweety Bird sa kulungan nito. Parang isang maamong aso na nangangakong hindi na nito hahabulin ang pusa at kakalkalin ang basura.
NGAYONG KINASUHAN na si Lina ng plunder o pandarambong ng mga grupong lumalaban sa korapsyon at karahasan, saan na pupulutin ang kasong isinampa? Isang taon na lang sa nalalabing termino ni PNoy itong si Lina. Kapag natapos ang termino ng pangulo ay tiyak na magkakalimutan na lang. Dapat kasi, hindi na siya inilagay riyan dahil hindi maiiwasan ang conflict of interest. Bukung-buko kasi ang bulok na estilo nitong si Lina na pagkansela sa kontrata ng isang kumpanyang tumalo sa kumpanyan niya sa bidding sa Bureau of Customs.
Para-paraan lang umano para makapagnakaw ang mga tauhan ni PNoy dahil umiiksi na ang nalalabing oras para makapangurakot sila. Talagang totoo yata ang kasabihang “like mother, like son” at “kung ano ang puno ay siya ring bunga”.
Noong panahon kasi ni Pangulong Cory ay halos lahat ng nakapaligid sa kanyang administrasyon ay nagnanakaw. Si Cory lang ang tanging hindi nagnakaw, ngunit lahat ng kasamaan ay ginawa na ng kanyang mga alipores. Ganito rin halos ang nangyayari ngayon, si PNoy lang ang matuwid ngunit ang mga taong nakapaligid sa kanya ay mga baluktot ang ugali at isip.
Kaya kung ako kay Pangulong Aquino ay dapat tanggalin na niya ang lahat ng mga palpak at mga tiwali na kanyang inilagay sa puwesto. Dahil kung hindi niya gagawin ito ay isasama lamang siya ng mga ito sa mga kasong kakaharapin sa pagbaba niya sa puwesto.
NAGLA-LAST 2 minutes din ang mga nag-aambisyong maging pangulo sa darating na 2016 presidential election. Kanya-kanyang panggagamit sa mga taong natulungan ang mga pulitikong umeepal sa telebisyon.
Simpleng manggagawa, mga maralita, at mga batang musmos ang laging biktima ng panggagamit at pag-epal na ito. Baka naman puwedeng silipin din ng DSWD ang panggagamit sa mga bata sa mga political ads.
Ang COMELEC, gaya ng dati ay nagpapalusot sa mga pulitikong nais umepal dahil maraming pera ang kaya nitong sunugin sa tuwing may eleksyon. Iba na nga raw ang mga pinagpalang mayayaman sa Pilipinas. Mayaman na sila sa pera ay sinamsam pa nila ang kapangyarihang mula sa mga posisyon inilalakong parang paninda ng pamahalaan.
ANG IBA naman ay nagpupumilit humabol sa presidential race rating para lang maitawid ang kanilang kandidatura sa 2016 elections. Kahit na mas mataas pa ang ratings ng napupusuang vice president para sa presidential race tandem ay pilit na binabaliktad ang mundo para mangyari ang imposible.
Puwede naman kasing magretiro na lang sa paglilingkod sa gobyerno pagkatapos ng kanilang termino ay nagpupumilit pa ring tumakbo kahit ayaw na sa kanya ng karamihan sa mga Pilipino. Kaya lang, talagang isang karera kung ituring ng mga traditional politician ang posisyon sa pamahalaan.
Ang presidential race ay halos nagsimula na ngayon kahit hindi pa opisyal na inaanunsyo ng COMELEC. Ang pinakamagandang gawin ng mga tao ay kilalanin at suriin ang bawat politiko na nag-aambisyong maging presidente. Timbangin nang maigi kung karapat-dapat siyang iboto.
Ang inyong lingkod ay napapanood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am – 12:00 nn.
Napakikinggan naman sa programang Wanted Sa Radyo ang inyong lingkod sa 92.3 FM at sa lahat ng Radyo5 sa Visayas at Mindanao, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm. Ito ay kasabay na napanonood din sa Aksyon TV Channel 41.
Panoorin ang inyong lingkod sa T3 Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833 para sa Wanted Sa Radyo. 0918-602-3888 para naman sa Aksyon sa Tanghali. At 0918- 983-8383 para naman sa T3.
Shooting Range
Raffy Tulfo