0928985xxxx – Mr. Tulfo, dito po sa lugar ng Parañaque City, Barangay Dongalo, isang kapitana ang naniningil sa mga motorista ng halagang P3.50 para raw po sa sticker, upang makadaan sa service road. At ayon pa sa taga-singil ay exempted ang mga private vehicle sa pagbibigay ng pera. At ang aming kapitana na tinutukoy ay si Marilyn Burgos. Ang nasabing kapitana po ay patapos na ang kanyang termino. Kaya lahat ng puwedeng gimik ng pagkakaperahan ay gagawin. At siya rin po ang may pasimuno ng lahat ng nasabing pangungurakot sa aming barangay. Sana po ay mabigyan ninyo ng pansin ang bagay na ito. Mabuhay po kayo.
0923577xxxx – Mr. Action Man, nais ko pong isumbong ang aming suliranin dito sa #52 Malanting St., Amparo, Caloocan. Araw-araw po sa ginawa ng Diyos, ang video karera na ito ay talagang nakakaperhuwisyo sa aming barangay. Pati po ang mga menor de edad na bata ay naloloko sa video karera. Matagal na po naming inere-reklamo ang bagay na ito pero ang madalas lang nilang sinasabi ay malakas sa loob ng city hall ng Caloocan ang may-ari nito. Kayo na lamang po ang tanging inaasahan namin na maaaring tumulong sa amin. Maraming salamat po.
0917961xxxx – Boss Raffy, gusto ko pong ipaalam sa inyo ang mga abusadong tanod dito sa lugar ng Paliparan 3, Dasmariñas, Cavite. Ang lahat po ng tanod na ito ay palaging may kargada ng baril na .45 kaliber. Natatakot po ang mga tao rito sa aming lugar dahil ginagamit nila ang mga dala nilang baril sa pananakot at pagsasamantala. Isinuplong na po namin ang mga ito sa mga pulis pero mukhang naduduwag din ang mga ito na hulihin ang mga tanod. Sana po ay mabigyan ninyo ng solusyon ang problemang ito.
0947338xxxx – Sir Tulfo, gusto po namin magpatulong sa pamamagitan ng inyong programa para masuweto na ang iligal na ginagawa ng aming kapitan. Dito po sa Barangay Liano, Caloocan City, ang talamak na tupadahan sa Bartolome Compound. Masyado na po ang perhuwisyong ginagawa sa amin ng tupadahang ito. Linggo-linggo na lamang po ay napakaingay, napa-kagulo sa aming lugar. Sana po ay makagawa kayo ng aksyon at solusyon sa aming problema.
0923658xxxx – Kuya Raffy, isa po akong concerned citizen. Dito po sa lugar ng Baclaran, tapat ng Lydias’s Lechon, mayroong isang mobil car na madalas na nakaistambay rito. Inaantay po nito ang mga bus na tumitigil para kotongan. Ito po ay may plate no. SJA-553 at body no. 348. Sobrang lakas at kapal ng mukha ang mga ito. Hindi nila alintana ang pakiusap ng mga driver. Sana po ay masugpo na ang mga maling gawain ng mga ito. At mabigyan ng karampatang parusa ang mga abusadong pulis nang hindi na sila tularan ng iba. More power po sa inyong show.
ANG INYONG mga sumbong ay masosolusyunan sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3 News fm at Aksyon TV. Ito ay pansamantala namang mapapakinggan at mapapanood tuwing 12:30-2:00pm, Monday thru Thursday at 2-4pm, Fridays. Babalik ito sa regular na 2-4pm weekdays timeslot pagsapit ng February 27. Ang T3 (Sagot Kita Kapatid) sa TV5 ay mapapanood sa bago na nitong timeslot na 5:15pm, samantalang ang Balitaang Tapat ay 1:30pm na, Lunes hanggang Biyernes pa rin.
Shooting Range
Raffy Tulfo