SAMPALOC LAKE. Iyon ang taguri sa legendary lawa ng aking bayang sinilangan. Sa San Pablo, Laguna, ngayon mala-
king siyudad na. Maraming alaala ng aking pagkabata ay umiikot sa lawa.
Hanggang ngayon, ‘di pa nasusukat ang tunay na lalim ng lawa. Ayon sa matandang sabi-sabi, tuwing may mga nagtatangkang sumukat ay tumitilapon ang bangka o balsa at malulunod. Sabi-sabi rin na may mga engkantadong nilikha o sirenang namumuhay sa pusod ng lawa. Mga sabi-sabing nadagdagan nang nadagdagan hanggang wala nang magtangka.
Ang bahay-kubo namin ay sa kabilang dulo ng lawa. Nu’ng panahong ‘yun – dekada ‘50 – mabait ang lawa sa mga mangingisda. Nagluluksuhang tilapia, carpa, at ‘pag minsan ay hito ang iniluluwa niyang biyaya. Tuwing Sabado, sakay kami ng lolo ko na pumapalaot sa gitna ng lawa. Pagbalik sa hapon, laging may biyaya ng maraming huli na kinakain namin sa loob ng isang linggo.
‘Pag tag-araw, arya kami ng kaklase sa paliligo sa lawa. Diving board isang malaking sanga ng isang puno ng mangga sa isang tabi ng lawa. Pasikatan. Tawanan. Habulan ng langoy. Hanggang kami ay mahilo at mangisay sa tinding uhaw at pagod. Walang kapantay na kaligayahan!
Ang Santacruzan ‘pag Mayo ay ‘di kumpleto kung walang fluvial parade sa gitna ng lawa. Isang engrandeng okasyon ito. May kasamang mga banda, ilaw at parol habang pinu-prusisyon ang imahen ng mahal na Birhen.
Halos 2 dekada akong ‘di nakabalik sa lawa. Nag-aral sa malaking siyudad, nagtrabaho, at nagtatag ng pamilya.
Kamakailan, halos sumabog ang aking puso. Ang lawang aking kinagisnan, naging dambana ng aking kabataan ay tila bulang naglaho. Sa halip, bumungad sa halos luhaan kong mata ang isang lawa na naghihingalo sa pollution at dumi, tinitirahan na pulu-pulutong na water lilies at sinasakal na mga illegal fishpens. Alaala na lang ang mga nagluluksuhang hipon at karpa. Alaala na lang ang mabangong simoy ng hangin mula sa ilalim ng lawa.
Ewan kung babalik pa ako sa lawa. Maaaring sa pangarap na lang.
SAMUT SAMOT
‘DI IILAN ang mga reaksyon sa aking nostalgic columns. Sabi ng iba, ako raw ay “mag-move on”, kumalas sa tanikala ng nakalipas. Sabi ng ilan, touched daw sila sa mga reminiscences.
NAPABALITANG NAG-DECLARE ng bankruptcy ang isang higanteng U.S. firm, Kodak, 104 na anyos. ‘Di nila na-anticipate at ‘di nakapag-compete sa modern technology ng photography. Nostalgic item ang Kodak. Sa ating pagkabata at kahit pagbibinata ang Kodak ay synonymous sa photography.
NEXT TO the wheel, pinaka-dramatic invention ng tao ay cellphone. Revolutionized communication technology. Tinatayang 60 milyong Pinoy ay cellphone users — pinakamalaki sa mundo. Sa lahat ng sulok ng bansa, bata, matanda may hawak na cellphone. Naging indispensable component ng daily living. Uneasy ka pag dinadala ang cellphone. Mantakin mo ang kinikita ng Smart at Globe. Bilyun-bilyon marahil. Aking katulong ay dala-dalawa ang cellphones. Pinakamahalagang possessions nila ito. Dahil sa pag-text, kalimitan napababayaan ang trabaho. Laging nasasabon.
‘PAG KAYO nababanda sa Greenmeadows Subdivision, Quezon City, subukang magpunta sa Monsee, isang French-type coffee shop na ang specialty ay pasta at iba pang French delicacy. Maganda ang ambiance, masarap ang makakain, lalo na ang mga pasta items. Puwede ring magpalipas kayo ng oras o mag-work-out sa inyong computer habang umiinom ng coffee. Dito ko kalimitan kinakatha ang mga columns ko. Sa aking paboritong spot very inspiring sceneries sa labas na dotted ng tindahan ng magagandang bulaklak.
MARAMING NAGTATANONG kung saan ko hinuhugot ang iba’t ibang paksa ko. Tila ‘di raw ako nauubusan. Araw-araw, sabi ko, maraming interesting news at human interest sa kapaligiran. Kailangang sensitive ka. Ang mga karanasan ko ay parang software na nakaimbak sa aking utak.
Halimbawa, ang ginintuang alaala ng aking pagkabata ay nakatago sa baul ng aking buong pagkatao. Ang alaala ng Inay at Tatay ay buhay lagi sa aking alaala. Kasama ng alaala ng aking Lolo at Lola, Tiyo at Tiya, mga kamag-anak at iba pang minahal ko at nagmahal sa akin. ‘Di na babalik ang nakalipas. Problema, ‘di ko pa matanggap ito.
ISANG RESTORAN na ‘di ko makalimutan ay Ambos Mundos sa Ermita, Manila. Champion ang paksiw na lechon, ginisang pechay, pritong hipon at ibang Spanish delicacies. ‘Nung 70s, ang restoran ay paboritong hang-out ng mga mamamahayag. Kalapit nito ay ang Cinco Litros Bar-Restaurant ng pumanaw na Taboy. Gabi-gabi, pinuputakti ng iba’t ibang local at foreign customers. Si Ato, ang famous blind pianist, ang musical performer. Napakasaya ng dekadang ‘yon.
NAPABALITANG TULUYAN nang ipipinid ang Philippine Women’s University sa Taft Avenue. Isa itong great educational landmark sa loob ng sampung dekada. Nagturo ako ng 15 taon sa unibersidad at biro mo ang dami ko nang estudyanteng naturuan. Hanggang ngayon, buhay si former senator Helene Benitez, pioneer-founder ng unibersidad.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez