SA WAKAS, unti-unti nang umaabot sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyong Yolanda ang tulong mula sa gobyerno at ibang bansa. Naging mabagal ang pagbiyahe at pagdating ng relief goods na ito dahil sa matinding pagkawasak ng mga daan patungo sa mga barangay. Idagdag pa rito ang mga isyung pulitikal sa pagitan ng pambansang gobyerno at mga lokal na opisyal. Dumaan na nga sa kalamidad, maging ang pamamahagi ng tulong ay naging isang trahedya dahil sa pulitika.
Matindi rin ang nakitang kawalang-tiwala sa katapatan ng gobyerno sa paraan ng pagpapaabot ng ating mga kababayan sa kanilang mga donasyon. Mas marami ang piniling idaan ang kanilang mga tulong sa mga lehitimong pribadong kumpanya. Imbes na ibigay sa DSWD, pinipili pa ng mga kababayan natin na ipaabot sa pamamagitan ng mga TV station ang kanilang mga ambag sa mga nasalanta. Sabi pa ng isa nating kababayan, “Boss, based on experience mahirap idaan sa gobyerno ‘yung mga tulong. ‘Yung Spam napapalitan ng sardinas. ‘Yung power bars, napapalitan ng Boy Bawang.”
Naging malaking isyu rin ang ginagawang paglalantad umano ng mga pulitiko at mga artista ng kanilang mga pangalan sa kanilang mga ibinibigay na tulong. Matinding kritisismo ang sumambulat nang makita ng publiko ang tseke na ibinigay ni Kris Aquino para sa mga biktima ng bagyo at ang mga relief goods na may pangalan nina President PNoy at Vice-President Jejomar Binay. Ngunit dapat din tayong maging maingat at mapanuri. Lumalabas na ilan sa mga larawan ng relief goods ay luma na. Hindi rin malayo ang posibilidad na mismong mga kalaban nila sa pulitika ang maghahanda ng mga ganitong relief goods para mailagay sa alanganin ang mga nasabing pulitiko. Alam ng lahat, galit ang publiko sa mga epal.
Ang tao, bilang isang indibidwal, ay mapanuri. Ngunit kapag lumalabas na sa social media, kasama na ang Facebook, ang isang opinyon o kritisismo na mukhang makatuwiran at popular, napa-kabilis ng publiko na tumalon at makisawsaw. Galit na rin agad lahat sila. May nagpakita ng tseke na ibinigay niya sa mga biktima, galit na lahat. Merong nagpakuha ng litrato habang nagre-repack ng relief goods, galit na lahat. Merong nagpakita ng masarap na pagkain sa Facebook, insensitive masyado, galit na din lahat.
Tama nga na dapat tayo lahat maging sensitibo. Dapat din nga naman na hindi na ipinangangalandakan ang mga ibinibigay natin na tulong at serbisyo. Ngunit sa pagitan ng isang insensitibong teenager na nag-“selfie” pa habang tumutulong magbuhat ng relief goods, at sa isang tao na hindi naman tumutulong at wala nang ginawa kundi magpalaganap ng galit, negatibong enerhiya, at kritisismo sa social media, mas pipiliin ko na ‘yung teenager. Eh ‘yun, nakatulong naman kahit ilang oras lang nagserbisyo sa relief centers. ‘Yung isa, laway lang puhunan, pero bida pa rin.
Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac