MARAHIL AY hindi nakararating sa mga kinauukulan ang problemang pag-uusapan ko ngayon. Ang tawag sa problemang ito ay “the lean years”. Palibhasa, mayroong pagkateknikal ang kalikasan ng problemang ito kaya hindi ito gaanong napag-uusapan sa kalsada, barangay at maging sa telebisyon. Ang talakayan sa isyung ito ay napapaloob lamang sa iba’t ibang mga unibersidad at kolehiyo sa buong bansa.
Ang tinatawag na “the lean years” ay ang napipintong pagkatanggal sa trabaho ng maraming mga part-time na college instructors na ang itinuturo ay ang mga subjects sa college na kung tawagin ay G.E. o general education subjects. Ito ay ang mga subject gaya na Philippine History, Algebra, Natural Science, Introduction to Political Science, Introduction to Philosophy, Introduction to Psychology, at Basic Filipino.
Ang hindi maiiwasang tanggalang ito ay direktang epekto ng implementasyon ng K-12 ng Department of Education. Sa ilalim kasi ng K-12 ay madaragdagan ng 2 taon ang pag-aaral sa highschool. Ang grades 11 at 12 o junior at senior high school ang dalawang dagdag na taon. Dito maaaring ituturo ang ilan sa mga G.E. courses na aalisin sa college level.
Sa kasamaang palad, hindi rin naman kuwalipikado ang maraming part-time college instructors sa pagtuturo sa high school dahil kailangan nila munang magkaroon ng education units at makapasa ng licensure exam for teachers.
SA 2016 mararamdaman ang unang taon ng “the lean years” kung saan tinatayang may 10,000 mga part-time college instructors ang apektado sa buong bansa, ayon sa isang pag-aaral ng isang prestihiyosong paaralan sa Taft Avenue, Manila. Mawawalan kasi ng mag-e-enroll sa college sa panahong ito dahil mananatili ang mga dapat nagtapos at papasok sa kolehiyo, sa grade 11. Dahil walang bagong first year college student, walang tuturuan ang mga part-time instructors sa kolehiyo kaya hindi sila mabibigyan ng teaching load o teaching units. Nangangahulugan ito na mawawalan sila ng trabaho.
Aabot ng 4 hanggang 5 taon ang “the lean years” habang nirerepaso sa mga colleges at universities ang mga bagong G.E. courses o ngayon ay tinatawag na Revitalized General Education Program o “RGEP”. Sa mga panahong ito ay papaano kaya kakain at tutugunan ng mga college part-time instructors ang kanilang ibang mga pangangailangan sa buhay?
Sa malalaking colleges at universities, ngayon pa lamang ay ipinapaabot na ng mga administrador sa mga part-time instructors na hindi muna sila mabibigyan ng teaching load sa loob ng 3 hanggang 4 na taon. Karamihan sa mga part-time college instructors na ito ay nababahala dahil walang malinaw na trabaho para sa kanila pagsapit ng 2016.
SA ITINATAKBO ng mga pangyayari ay wala rin namang makikitang aksyon ang pamahalaan sa napipintong problemang ito. Ang magiging kaabalahan ng pamahalaan sa 2016 ay tiyak na ang pagtutok at pagsuporta sa mga administration candidates sa eleksyon. Ang problema sa trabaho ng mga pobreng gurong ito ay maisasantabi lamang at hindi mabibigyang-pansin.
Ang problemang “the lean years” ay isang seryosong usapin dahil buhay at kinabukasan ng mga anak at pamilya ng mga gurong mawawalan ng trabaho ang nakasapalaran. Hindi dapat bale-walain ang usapang ito at dapat ay madala ito sa isang public forum para mapag-usapan, mahanapan ng solusyon at magising ang mga nasa kinauukulan upang aksyunan ang problemang ito.
Naniniwala ako at sumusuporta sa mga isyung bumabalot sa ating bayan ngayon, gaya ng pork barrel scam at PDAF, ngunit marami ring ibang isyu na kailangang pag-usapan at tutukan ng pansin dahil kasing importante rin ito ng mga isyung halos araw-araw ay iyon at iyon na lamang ang pinag-uusapan. Ang isyu ng pork barrel ay nasa kamay na ng tamang ahensya at kinauukulan.
Mas makabubuting hintayin na lang natin ang desisyon ng Ombudsman at Korte Suprema sa merito at kahihinatnan ng mga kasong ito. Nakadaragdag lamang sa pagkalito at kaguluhan ang labis na pagtutok at talakayan sa isyung yaon.
Samantalang ang problema ng “the lean years” ay isang usapin na hindi natutugunan ng pamahalaan at maging ang mga sektor ng mga manggagawang rural, urban at propesyunal ay tahimik at walang kamalay-malay sa problemang ito.
SA MGA ganitong usapin masusukat ang kagalingan ng isang batas na isinusulong. Gaya nitong K-12 bago pa man ito naging batas ay marami na ang naging kritiko nito ngunit hindi man lang nabanggit sa maraming pagtalakay rito ang epekto ng batas sa mga manggagawa. Maigi rin sanang nakita ng mga nagsulong ng batas ang ganitong kalubhang epekto ng isinusulong nilang batas noon.
Ang paggawa ng batas ay dapat may kabuuang pagtingin sa maaaring maging epekto nito sa lipunan. Tila sa kaso ng K-12 ay nakatutok lamang sila noon sa kung paano makabubuti sa mga mag-aaral at sa kinabukasan ng mga bagong manggagawa ang batas. Ang kakulangan dito ay ang hindi pagiging malawak ng pagsusuri sa batas kaya’t hindi nakita ang ganitong epekto sa mga manggagawa mismo.
Maging ang Pangulong Aquino ay hindi nabanaag sa kanyang mga talumpati noon ang ganitong negatibong epekto ng K-12 bilang batas. Ang tanong ngayon ay kailangan ba nating pagpilian ang mabuti at masamang epekto ng K-12? Mabuti ang K-12 dahil naniniwala akong mas mapabubuti nito ang pagiging competitive ng mga basic education graduates natin.
Nakasama naman ito sa isang banda dahil maraming mga guro sa kolehiyo ang napipintong mawalan ng trabaho. Hindi naman siguro kailangang timbangin ang masama at mabuting epekto ng K-12. Naniniwala akong maaaring maalis ang masamang epekto ng K-12 sa ating mga manggagawang guro kung bibigyang-pansin na ito ngayon ng pamahalaan.
Sana ay makarating ang panaghoy na ito ng mga part-time na guro sa kolehiyo sa ating Pangulo upang magawan niya ito ng aksyon. Tandaan natin na walang isang Pilipinong maalam at titulado kung wala ang ating mga guro sa kolehiyo. Igalang natin sila, ang kanilang mga hanapbuhay at propesyon. Bigyan natin sila ng pansin at tulungan sa pagkakataong ito.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo