Legal na Paghihiwalay

Dear Atty. Acosta,

IKINASAL PO ako noong 2003 sa Maynila. Ngunit naghiwalay rin po kami ng aking asawa noong Abril 2005. Madalas po kaming mag-away bago kami naghiwalay. Sinabi po niya na gusto niyang mapag-isa kaya kailangan niyang lumayo muna. Sabi niya mag-usap na lang daw kami pagbalik niya. Bumalik po ako sa aking mga magulang noong kami’y naghiwalay ng aking asawa. Pinag-aral po nila ako ng nursing. Noong Oktubre 2005 ay nabalitaan ko po na may girlfriend na ang aking asawa. Mayroon na po silang anak at nagsasama na sila ngayon sa iisang bubong. Nalaman ko pong ibinenta niya ang kotse at ang lahat ng gamit sa bahay na pag-aari naming dalawa. Tinangka ko po na kausapin ang aking asawa para mapag-usapan ang aming paghihiwalay, pero ayaw niya akong harapin. Maaari po ba akong magsampa ng kaso para maging legal ang aming hiwalayan kahit na hindi pa kami nagkakausap? Posible po bang maipasa ang gastos kung sakaling magsampa ako ng kaso?

Mel

Dear Mel,

BAGO NAMIN sagutin ang iyong katanungan ay nararapat na ihambing muna natin ang pagsasampa ng legal separation sa declaration for nullity of marriage at annulment of marriage. Ang petition for legal separation ay isinasampa para maging legal ang paghihiwalay ng mag-asawa. Kapag sapat ang basehan para sa legal separation, ang korte ay magbababa ng kaukulang utos na pinapayagan na hindi magsama ang mag-asawa. Ang mag-asawa ay mananatiling kasal pa rin dahil hindi naman napapawalang-bisa ng legal separation ang kasal. Samantala, ang petition for declaration of nullity of marriage at petition for annulment of marriage ay isinasampa kapag nais ng nagsampa na ipawalang-bisa ang kasal niya sa kanyang asawa.

Kung nais mo lang na maging legal ang paghihiwalay ninyong mag-asawa nang hindi napapawalang-bisa ang inyong kasal, ang dapat mong isampa ay petition for legal separation. Ngunit kapag gusto mong ipawalang-bisa ang inyong kasal, ang dapat mong isampa ay petition for declaration of nullity of marriage o petition for annulment of marriage.

Ang mga petitions for legal separation, declaration of nullity of marriage at annulment of marriage ay maaaring isampa ng kahit sino sa mag-asawa. (Section 2, Rules on Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages and Annulment of Voidable Marriages at Section 2 ng Rules on Legal Separation). Ang nagsampa ay tinatawag na Petitioner. Samantala, ang kanyang kabiyak ang magiging Respondent sa petisyong isinampa. Isasaad ng Petitioner sa kanyang petisyon ang mga basehan para mag-utos ang korte ng legal separation, declaration of nullity of marriage o annulment of marriage. Dito, ipinagbabawal ang sabwatan ng mag-asawa para maaprubahan ang petisyon. Kaya nga inaatasan ng solicitor general ang public prosecutor para mag-imbestiga upang masiguradong walang sabwatang naganap o magaganap sa pagitan ng mag-asawa. (Section 9, Rules on Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages and Annulment of Voidable Marriages at Section 6 ng Rules on Legal Separation). Kaya nga hindi kinakailangan na makausap pa ang Petitioner at ang kanyang kabiyak para maisampa ng petisyon. Hindi rin kinakailangan ang pagsang-ayon o pirma ng kabiyak para maisampa ang petisyon.

Maaari kang magsampa ng petisyon kahit hindi pa kayo nagkakausap ng iyong asawa. Tungkol naman sa gastusin kaugnay ng pagsampa ng petisyon, hindi posible na maipasa ito sa iyong asawa. Ang docket at iba pang legal fees na ipinapataw ng korte pati na rin ang attorney’s fee ng pribadong abogadong maghahawak ng kaso ay babayaran mo dahil ikaw ang magsasampa ng kaso.

Ang Public Attorney’s Office (PAO) naman ay nagbibigay ng libreng serbisyong legal. Hindi ka na rin magbabayad ng docket at iba pang legal fees sa korte kapag napatunayan mo na indigent litigant ka ayon sa Section 21, Rule 3 ng Rules of Court.

Malugod po namin kayong  inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 4:30 ng hapon.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleSALN ni Rep. Tupas at Bagman ni Gen. Decano
Next articleDagdag Singkuwenta Para sa Kawatan

No posts to display