Kung drugs ang kinaaadikan ng ating bida, malamang, matagal na siyang pinuntirya ng PDEA sa kanyang tila matindi-tinding pagkasugapa. Pero dahil nga legislator o mambabatas siya, ang addiction niya, eh, ang ever-favorite na press releases para sa media.
Sa tsika ng ating mahadera at pakialamerang Chikadora, isa raw Mambabatas of the Philippine Islands ang F na F (pak na pak) sa pamumudmod ng press releases sa media pips. Ang press releases o PR ang isa sa mga pinagkukunan ng impormasyon ng taga-media. Kaya kung mali ang impormasyong nakalagay sa PR, obviously, eh, sasabit o maku-kuryente ang media pips na naglabas nito.
Sa obserbasyon ng mga mirong naging captured receiver ng press releases ng ating bidang legislator, ‘tila raw wiling-wili sa pagmumudmod ang ating bida.
Ang siste, halos araw-araw ngang namimigay ng PR ang mga alipores ni Legislator sa mga tambay sa Session Hall at sa Media Center ng ating Upper Chamber. Wala namang masama sa pammimigay ng PR.
Pero sa sobrang dami at dalas ng kanyang pamumudmod, tila, nakalimutan naman ng legislator na ang isang papel ay mananatiling papel kung wala namang kwenta ang mga salitang naka-imprinta rito.
Kaya habang pinagmamasdan ng mga miron ang papel na hawak nila, naawa na lang daw ang ilan sa mga punong ginawang papel dahil nauwi lang sa wala ang sakripisyo nila.
Napapailing na lang nga raw ang marami dahil kung gaano kaaksayado sa laway ang ating bida, eh, ganun din siya kaaksayado sa mga walang kinalamang papel na naging biktima ng pagiging pasyahan niya.
Hmmm…siya ang legislator na mahilig ding dumaldal na para bang laging kasali sa isang balagtasan. Gusto niya ring maging president of the Philippine Islands, pero hindi naman siya ganun kasikat.