KAMI AY NAKIKIDALAMHATI sa mga naulila ng tatlong OFWs na binitay sa China nang mapatunayang guilty sa drug trafficking.
Parekoy, itinuring ng mga kaanak at nagmamahal kina Ramon Credo, Elizabeth Batain at Sally Ordinario-Villanueva na “natutulog” ang Diyos noong Marso 30, kung kailan sila binitay sa pamamagitan ng lethal injection.
Bagaman mabigat sa dibdib, dapat nating tanggapin ang sinapit ng tatlo. Nagkasala sila at hindi na dapat pang kuwestiyunin ang batas ng China.
Kung tutuusin, mas mabigat pa sa carnapping ang ginawa ng tatlo dahil maraming buhay ng kabataan ang nasira sa droga at ang carnapping ay pag-agaw ng ari-arian sa mga “can afford”.
Gayunman, parekoy, bagaman marami ang taliwas sa aking pananaw, may lesson ding iniwan ang pagbitay sa tatlo.
Ito ay ang pagiging maingat, huwag maging ganid sa material na bagay at huwag silang gayahin.
Hindi angkop na isisi sa mahirap na buhay kung kaya sila kumapit sa patalim dahil may paraan para maging maayos ang pamumuhay.
Wala rin tayong karapatang baligtarin ang desisyon ng People’s Court of China dahil batas nila iyon.
Tayo rin ay may batas na hindi dapat pinakikialaman ng ibang bansa.
Sana, parekoy, maging broadminded tayo sa mga ganitong usapin at huwag magpailalim sa ating emosyon.
DAAN, NAITUWID NGA BA NI P-NOY?
Pagtahak sa “tuwid na daan” ang paulit-ulit na kampanya ni Pangulong Noynoy Aquino. Noong kampanya ay gasgas na ang mga salitang ito at sa bawat daluhang speaking engagement, tila asin sa niluluto ang salitang “tuwid na daan”.
Subalit base sa obserbasyon, ang “tuwid na daan” ay tila patungo sa kawalan. In short, mga parekoy, naliligaw tayo ng landas.
Depensa ng mga “sipsip” kay P-Noy, eh kasi makitid at baku-bako ang daan kaya naman hindi ito mapasok. Ganun?
Panay din ang sisi ng kasalukuyang administrasyon sa Arroyo administration dahil marami raw iniwang utang at problema. Aba, kung hindi ninyo kayang tuparin ang inyong pangako sa amin noong eleksyon eh, lisanin n’yo na lang iyang puwesto ninyo!
Magugunitang noong isang linggo ay nabawasan ng 5% ang trust rating ng pangulo na kanya namang dinedma at sinabing magtatrabaho na lang siya.
Clap! Clap! Clap!
Heto pa ang nakawiwindang, wala pang isang taong panunungkulan, natuklasan ng Political and Economic Risk Consultancy Ltd, (PERC) na hindi naman daw umusad ang Pilipinas sa pagsugpo sa katiwalian nang maupo at mangako si P-Noy na kanyang pipigilan ito.
Nakupo, parekoy, nangangahulugan ito na sa kabibintang ni P-Noy kay Ate Glo eh, pareho lang pala sila?
Ayon sa PERC, lumala pa ang katiwalian dahil mula sa dating 8.25 noong 2010, ngayon ay u-mabot sa 8.9 kung ire-rate sa 1 – 10. Naka!
Ang respondents ng PERC ay 1,370 expatriate.
Sinabi pa ng Asian Intelligence ng PERC, nanatili sa ikatlo sa malalang puwesto ang Pilipinas dahil ang dalawang bansa na Cambodia at Indonesia ay bumulusok din sa rating.
Nangangahulugan ito na kung ‘di gumalaw ang rating ng nasabing mga bansa ay mas malala pa tayo sa kanila!
Hay naku “tuwid na daan” saan ka ba matatagpuan?
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303