SA WAKAS ay unti-unti na rin nilalabas ng GMA-7 ang mga masuwerteng napiling cast members ng Philippine live action adaptation ng iconic Japanese anime series na Voltes V sa Voltes V: Legacy.
Noong 2018 pa usap-usapan ang proyektong ito. Dumating na rin ang tamang panahon para muling buhayin ang Voltes V Legacy at ipakilala ito sa bagong henerasyon.
Dahil maituturing na iconic ang nasabing anime series, hindi na kataka-taka na maraming fans ang nag-aabang dito. Mataas din ang expectations lalo na nang ilabas ng Kapuso Network ang kanilang malupit na teaser trailer noong January 14.
This week ay isa-isa nang ibubunyag sa publiko ang mga napiling cast members ng Voltes V Legacy. Ngayong gabi ay ipinakilala na sa 24 Oras ang mga artistang gaganap bilang Mark, Little Bert at Little Jon.
Ang dating Starstruck 7 finalist na si Radson Flores ang gaganap na Mark (Ippei Mine). Maituturing na baguhan pa sa showbiz, lumabas na rin ang binata sa ilang Kapuso show tulad ng Dear Uge at Pepito Manaloto.
Si Mark o Ippei Mine ang may hawak ng Volt Bomber at kilala rin ito sa kanyang horseback riding skills.
Ang singer-songwriter na si Matt Lozano naman ang gaganap bilang Big Bert Armstrong. Kung isa kang avid viewer ng Eat Bulaga, malaki ang tsana na napanood mo na noon si Matt nang manalo ito sa Spogify featuring Singing Baes ng Eat Bulaga.
Si Big Bert ang ikalawa sa magkakapatid, ito ang may kontrol sa Volt Panzer.
Ang huling ipinakilala ngayong gabi ay ang child actor na si Raphael Landicho. Ito ang gaganap bilang Little Jon. Isa si Raphael sa child stars ng GMA-7. Ilan sa mga programang nilabasan nito ay ang afternoon series na Bihag (Max Collins and Jason Abalos) at ang ongoing primetime show na Love of my Life.
Si Little Jon ang pinakabata sa grupo at kinikilala bilang isang henyo. Siya ang may kontrol ng Volt Frigate.
Maituturing man na mga baguhan ang tatlong nabanggit, masasabi namin na swak sila sa mga karakter na ipinagkaloob sa kanila.
Sa mga darating na araw ay makikilala na natin sina Steve Armstrong, Jamie Robinson at mga taga-Boazanian Empire. Excited na ba kayo? Kapit lang!